Hontiveros

LAYAS POGO — Sen. Risa

43 Views

LAYAS POGO.

Ganito ang panawagan ni Deputy Minority Leader Senator Risa Hontiveros kung saan ay ipinunto niya ang napakaraming perwisyong idinulot ng POGO sa bansa .

Si Hontiveros, na naging co-sponsor ng Senate Bill No. 2868, ay naglahad na ang panukalang batas na ito ay naglalayong ipagbawal at patalsikin ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) mula sa bansa dahil sa kanilang masamang epekto sa lipunan at pambansang seguridad.

Sa kanyang co-sponsorship speech noong Lunes, binigyang-diin ni Hontiveros ang agarang pangangailangan para sa batas na magbabawal sa POGOs nang tuluyan, na kanyang inilarawan bilang ugat ng korapsyon, pang-aabuso, at kriminalidad.

“Nararapat lang na isabatas natin ang panukalang patalsikin at ipagbawal ang mga POGO sa ating bansa,” ani Hontiveros, na muling iginiit ang matagal na niyang pagtutol sa POGOs, na una na niyang binatikos noong nakaraang administrasyon.

Binanggit ni Hontiveros na sa kabila ng mga pangakong trabaho at ambag sa ekonomiya, ang POGOs ay nauugnay sa iba’t ibang krimen tulad ng korapsyon, pag-iwas sa buwis, kidnapping, torture, prostitusyon, at human trafficking.

Ang mga isyung ito ay detalyadong naitala sa apat na taong pagsisiyasat ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality na kanyang pinamunuan.

“Nangako sila ng trabaho at tulong—pero ang tunay nilang dala ay karumal-dumal na panloloko, abuso, at panganib,” aniya.

Binatikos din ng senadora ang naging desisyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na tanggapin ang POGOs sa bansa, na kanyang tinawag na isang malaking pagkakamali na naglagay sa publiko at pambansang seguridad sa panganib.

Bagama’t naglabas ang kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng executive order na nagbabawal sa POGOs, itinuro ni Hontiveros ang mga naunang butas na nagpapahintulot sa ilang operator na magpatuloy.

Pinuri niya ang Office of the Executive Secretary sa pagtutuwid sa mga ito ngunit binigyang-diin ang pangangailangan ng batas upang masigurong maipatupad ito at maiwasan ang muling paglitaw ng offshore gaming operators sa ibang pangalan.

“I hope this Bill is clear enough to put an end to all iterations of POGOs, IGLs, or such entities by any other name,” ani Hontiveros.

Inihayag din ng senadora ang kanyang plano na maghain ng mga amendment sa panukalang batas, na magpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga opisyal ng gobyerno na tumutulong o nagkukunsinti sa operasyon ng mga POGO.

Nagpahayag din siya ng pasasalamat sa mga may-akda ng panukalang batas, lalo na kay Senator Sherwin Gatchalian, na kanyang tinawag na “POGO-busting partner.”

Nanawagan si Hontiveros sa kanyang mga kapwa senador na tiyakin ang agarang pagpasa ng panukala, sa pagsasabing, “Nagpapasalamat po ako sa mga may-akda ng panukalang ito at umaasa ako sa mabilis na pag-apruba nito.”

Kapag naisabatas, ang Senate Bill No. 2868 , ito ay magbibigay ng legal na balangkas upang tuluyang ipagbawal ang operasyon ng POGOs at tugunan ang mga panganib na dulot nito.