Briones AGAP Party-list Rep. Nicanor Briones

Kamara kinondena ‘sabwatan’ sa pagpapanatili na mataas presyo ng bigas

58 Views
Quimbo
Marikina City 2nd District Rep. Stella Quimbo

INAKUSAHAN ng mga mambabatas ang mga importer at negosyante ng bigas ng pagsasabwatan para mapanatiling mataas ang presyo ng bigas sa kabila ng pagbaba ng taripang ipinapataw sa imported na bigas ay mayroong sobrang suplay sa bansa.

Sa pagdinig ng House Quinta Committee o Murang Pagkain Supercommittee, na itinatag sa ilalim ng House Resolution (HR) No. 254 na isinulong ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, sinabi nina Marikina City 2nd District Rep. Stella Quimbo at AGAP Party-list Rep. Nicanor Briones ang isang kalakaran ng labis na pag-iimbak, magkakaparehong may-ari ng mga pangunahing importer, at pagsasamantala upang lumaki ang kita.

Ayon kay Quimbo, batay sa datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), binigyang-diin niya ang hindi pagkakatugma ng market condition at mga presyo, at itinuturing na ang demand-supply ratio ng bigas ay bumaba mula 82.5% noong 2023 hanggang 69% noong 2024, na malinaw na nagpapakita ng sobrang suplay.

“May excess supply. Kung ano ang kailangan natin na bigas ay mas mababa sa kung ano ang meron tayo. At kapag may excess supply, dapat bumaba ang presyo. Pero bakit hindi bumababa?,” Ayon sa pahayag ni Quimbo, senior vice chairperson ng House Committee on Appropriations, sa super panel na inatasang tukuyin ang mga kakulangan sa mga programa ng gobyerno at mapanagot ang mga responsable sa mga pang-aabuso sa pamilihan.

Inilarawan ni Quimbo ang sitwasyon bilang isang malinaw na kaso ng sabwatan. “Nakita natin sa presentation ng PSA, klarong-klaro na merong pagsasabwatan,” saad nito.

Makikita sa datos ng pamahalaan na noong Nobyembre 1, tinatayang nasa 2.5 milyong metriko tonelada ang kabuuang imbentaryo ng bigas sa bansa—o pagtaas na 25% mula sa nakaraang taon.

Ayon kay Quimbo, malinaw na kumita ang mga importer at negosyante ng halagang P13 bilyon matapos ibaba ang taripa sa pag-aangkat ng bigas mula 35% hanggang 15% sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 62.

Sa halip na ipasa ang mga ipon na savings sa mga mamimili, sinabi niya na ang grupo ay nag-ipon ng mga stock upang diktahan ang halaga ng presyo ng bigas.

“Nasa kamay ‘yan ng importers at traders na yumaman po ng P13 billion dahil sa pagbaba ng taripa. Pero wini-withhold nila ang rice stocks sa ngayon,” ayon kay Quimbo.

Habang bumaba ang landed price ng inangkat na bigas ng P11 bawat kilo kumpara sa nakaraang taon, tumaas naman ang presyo ng bigas sa loob ng bansa mula P51 hanggang P55.30, na nagpapakita ng mga hindi epektibong sistema sa merkado.

Kasabay nito, lumawak ang agwat sa pagitan ng landed at domestic prices, mula P3 bawat kilo noong 2023 hanggang P20 sa 2024, na nagbabadya ng posibleng manipulasyon o mga inefficiencies sa supply chain.

Ayon kay Quimbo, dapat mag-stabilize ang presyo ng bigas sa mga P35 bawat kilo, kahit na may katamtamang kita

“Dapat nasa bandang P35. Pero ngayon, malinaw na ito ay pagsasamantala,” giit pa nito.

Sinegundahan ni Briones ang mga akusasyon ni Quimbo sa natuklasang na magkakapareho ang may-ari ng mga nangungunang importer ng bigas.

“‘Pag tiningnan mo, ang mga may-ari ay iisa [lamang]. Ibig sabihin, dito palang malinaw na may sabwatan,” ayon kay Briones, na naglalarawan kung paanong ang ganitong mga kasunduan ay nagpapalakas ng kontrol sa merkado.

Pinuna rin niya ang sobrang suplay ng bigas sa bansa, at itinuro ang malaking pagtaas ng imbentaryo, na dapat sana ay magbigay ng mas mahabang suplay kaysa sa karaniwan.

“Napakarami nating bigas, pero nasaan? Tinatago ba? Inalam niyo ba kung nasaan ang bigas na ‘yan?,”anong ni Briones, habang binatikos ang kakulangan ng aksyon mula sa Department of Agriculture sa pagsisiyasat sa mga imbentaryong ito.

Tinuligsa rin ni Briones ang kabiguan ng EO 62, na nagbaba ng mga taripa ngunit nabigong maipatupad ang pangako nitong pagpapababa ng presyo ng bigas.

Punto pa ng mambabatas na malaki ang epekto sa mga magsasaka at mamimili ang labis na pagtatago ng produkto.

Iginiit ni Briones na ang pagtatago ng mga importer sa mga stock ay nagiging sanhi ng paghihirap ng mga magsasaka na maibenta ang kanilang palay sa tamang presyo.

Paliwanag ni Quimbo na ang mga pamilyang Pilipino ang pumapasan sa hindi makatarungang mataas na presyo.

“Pakawalan na nila ang rice stocks nang sa gayon bumaba na ang presyo. Maawa naman sila sa taong bayan!” giit pa ng mambabatas.