Speaker Romualdez Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez

Bicam pinanatili desisyon ng Kamara na pondohan ang AKAP

Mar Rodriguez Dec 11, 2024
72 Views

INANUNSYO ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez noong Miyerkules na inaprubahan ng bicameral conference committee para sa panukalang 2025 national budget ang desisyon ng Kamara de Representantes na pondohan ang Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP).

Nagpasalamat si Speaker Romualdez sa mga senador sa kanilang suporta sa AKAP at pinuri ang House committee on appropriations na pinamumunuan ni Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co para sa matagumpay na pagtatanggol ng mga panukalang badyet.

“Nagpapasalamat tayo sa kapwa nating mga congressmen at sa Senate na sinuportahan nila ‘yung AKAP. Na-maintain at naibalik kaya tuloy-tuloy ang programa ng AKAP para sa mahihirap,” pahayag ni Speaker Romualdez, ang pangunahing tagapagtaguyod ng AKAP bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang tulong para sa mga nangangailangan.

“Iyon ang talagang hangarin nating lahat, tulungan natin ang ating mga kababayan sa kahirapan ng inflation at mataas na bilihin,” sinabi pa ni Speaker Romualdez. “Na-maintain, opo. Just as we proposed sa GAB po. Thank you.”

Ayon kay Co, ang AKAP ay pinaglaanan ng kabuuang P26 bilyong pondo sa ilalim ng panukalang pambansang badyet para sa 2025.

Nang itanong tungkol sa mga ulat na makikinabang din ang mga senador sa AKAP, sumagot siya, “Well, we can have arrangements now with the Senate po, we’re looking forward to that. We were supported by the Senate, so maraming salamat sa ating [mga senador].”

“Ito’y isang mahalagang programa para sa mga Pilipinong may trabaho ngunit hindi sapat ang kita. Tiniyak ng ating House panel na mananatili ang AKAP sa 2025 budget para tulungan ang ating mga kababayan,” ayon kay Speaker sa naunang pahayag nito.

“Ang AKAP ay isang anti-inflation measure na layong pigilan ang mga near-poor families na bumalik sa kahirapan dahil sa mga di-inaasahang pangyayari tulad ng sakit, pagkamatay, o kalamidad. Pinapakita nito ang pagpapahalaga ng Kongreso sa AKAP bilang lifeline ng maraming Pilipino,” paliwanag pa ng mambabatas.