Calendar
Acide ipinaliwanag papel ng Tingog sa programang pangkalusugan
UPANG itama ang ikinakalat na maling impormasyon, ipinaliwanag ni Assistant Majority Leader Jude Acidre ang magiging papel ng Tingog Party-list sa health development program, katuwang ang PhilHealth at Development Bank of the Philippines (DBP).
Ang programa ay tinawag na “Maalagang Republika: Rural Financing Health Development Program.”
“It’s not a Tingog-led project. Tingog Party-list will only complement the efforts of PhilHealth and DBP by assisting local government units (LGUs) in navigating the program through advocacy, capacity building initiatives and other forms of support,” sabi ni Acidre.
“Ang nakakalungkot lang kasi, na-reduce siya into a political issue na hindi naman. Project ‘yan ng LGU, hindi ‘yan project ng Tingog. Ang Tingog nag-capacitate lang. So it’s really a lot of effort on many fronts,” dagdag pa nito.
Sa kabila ng kritisismo, sinabi ni Acidre na determinado ang Tingog na isulong ang programa.
“What we believe is this: bahala na kung ano ang sasabihin ng mga taong hindi naman kasama doon sa pag-plano at paghanap ng solution. Gagawin natin ito. Gagawin natin ng maayos kasi kailangan ng tao,” wika pa ng solon.
“Hindi naman po kaila sa lahat na ang isa sa pinakamalaking problema ng ating healthcare system ang kakulangan ng ospital,” dagdag pa nito.
Sinabi ng mambabatas na prayoridad ng Tingog na mapalakas ang pagtatayo ng mga ospital na pinatatakbo ng mga lokal na pamahalaan upang matulungan ang mga tertiary hospital na pinatatakbo ng national government.
“Kailangan pati ‘yung maliliit na ospital mapondohan din,” dagdag pa ni Acidre.
Ayon sa mambabatas, nais ng Tingog na matugunan ang kakulangan sa healthcare system sa pamamagitan ng pagsusulong ng mga reporma sa batas.
Inihalimbawa ni Acidere ang pagsusulong ng party-list group sa pagsasabatas ng Republic Act (RA) 11567 na nagtataas sa bed capacity ng Eastern Visayas Medical Center mula 500 at gawin itong 1,500 beds, at RA 11703 na nagtatayo ng Samar Island Medical Center, isang tertiary hospital sa Calbayog, Samar.
Suportado rin umano ng Tingog ang pagtatayo ng Philippine Cancer Center upang matulungan ang mga may kanser.
Kinilala rin ni Acidre sina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang magkaroon ng badyet ang Cancer Assistance Fund sa ilalim ng National Integrated Cancer Control Act.
“For the first time, talagang pinush natin sa Kongreso na mapaabot ‘to, hindi lang P1 billion, but naging P1.25 billion po ito for 2024,” ani Acidre.
Suportado rin umano ng Tingog ang pagsasabatas ng panukalang Philippine Pharmaceutical Innovation Act.
“Malakas po ito sa Tingog kasi tinitignan natin na in the coming years, malaking bagay ang level of investment natin in terms of research and development, lalong-lalo na sa healthcare,” saad pa ni Acidre.
Layunin umano ng panukala na manguna ang bansa sa healthcare innovation upang matugunan ang mga problema sa clinical trials, maisulong ang artificial intelligence at precision medicine, at maging competitive ang healthcare system ng bansa.
“Kung hindi natin na-update ang mga regulations natin, kahit ‘yung pagpapa-approve ng clinical trials napakatagal, pag hindi tayo nakatuon doon, mahuhuli tayo,” sabi pa nito.
Itinutulak din umano ng Tingog ang amyenda sa Medical Act, ang batas para sa mga doktor.
“Isa tayo sa mga main proponents sa pag-update ng batas…that includes telemedicine, already in practice, which requires proper professional regulation to ensure its effective implementation,” dagdag pa ni Acidre.