Quimbo

DA malaki responsibilidad sa pagtatakda ng presyo ng bigas— Quimbo

46 Views

KINONTRA ni Marikina Rep. Stella Luz Quimbo ang katwiran ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na walang kapangyarihan and Department of Agriculture (DA) na pigilan ang pagtaas ng presyo ng bigas.

Sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food noong Miyerkules, sinabi ni Quimbo na mayroong kapangyarihan ang DA sa ilalim ng Price Act at sa inamyendahang Rice Tariffication Law upang kumilos laban sa pagmamanipula ng presyo, pag-iimbak, pangongotong, at kartel sa industriya ng bigas.

“In other words, huwag niyo po sanang sasabihin na wala po kayong kapangyarihan na habulin ang mga taong nagsasabwatan at pinapataas ang presyo ng bigas dahil hindi po totoo ‘yan,” ayon sa pahayag ni Quimbo kay DA Undersecretary Asis Perez, na nagsilbing kinatawan ni Laurel sa huling bahagi ng pagdinig.

Sinabi ni Laurel sa unang bahagi ng pagdinig, na kulang ang kapangyarihan ng DA upang matugunan ang mataas na presyo ng bigas at hinimok ang Kongreso na ipasa ang batas na magbibigay sa ahensiya ng mas malakas na kapangyarihan laban sa pagmamanipula ng presyo, pangongotong, at iba pang pang-aabusong gawain sa sektor ng agrikultura.

Gayunman, ipinunto ni Quimbo na ayon sa Section 10 ng Price Act, malinaw na nagbibigay kapangyarihan sa DA bilang ang ahensiyang magpapatupad para sa bigas. Pinapayagan ng batas ang kagawaran na magsagawa ng mga imbestigasyon, magpataw ng mga multa na hanggang P1 milyon, kumpiskahin ang produkto, at pagsasampa ng kaso.

“Nakasulat po dito, kayo ay implementing agency and pwede kayong mag-conduct ng investigation, pwede po kayong magmulta. ‘Yun po ang naka-indicated dito. Tama?” tanong pa ni Quimbo.

Tumugon naman si Perez, “If it’s in the law, then that’s it, Madam Chair.”

Inusisa ni Quimbo ang pananatiling mataas na presyo ng bigas sa kabila ng oversuplly at pagbawas sa taripa sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 62, mula sa 35% sa 15%.

Binanggit niya ang datos na nagpapakita na ang landed cost ng bigas ay bumaba mula P34.21 kada kilo noong Hulyo hanggang P33 noong Disyembre.

Hindi rin nakumbinsi si Quimbo sa dahilan ni Laurel, na binawi ng mas mahinang halaga ng piso ang pagbaba ng presyo ng bigas, ayon kay Quimbo, “The world price of rice dropped enough to offset the peso’s depreciation. The weakening of the peso is not a valid excuse.”

Sinang-ayunan din ni Department of Finance Director Jolly La Rosa ang paliwanag ni Quimbo, na ang pandaigdigang pagbaba ng presyo ng bigas ay mas malaki kaysa sa pagbaba ng halaga ng piso.

Ipinaalala ni Quimbo sa DA ang kanilang kapangyarihan sa ilalim ng inamyendahang Rice Tariffication Law, na nagpapahintulot sa kagawaran ng pagdedeklara food security emergenc at gamitin ang P5 bilyong pondo upang patatagin ang presyo ng bigas.

“You can use P5 billion to intervene in the market. Puwede kayong mag-import at gamitin ‘yan, ibenta ninyo katulad ng ginagawa niyo today, magbenta ng bigas at P42,” ayon sa kanya.

Gayundin ayon kay Quimbo ang kakayahan ng DA na makipagtulungan sa ibang mga entidad, tulad ng Philippine Competition Commission (PCC), sa ilalim ng kanilang kasalukuyang Memorandum of Agreement (MoA).

“Please confirm that you also see it in the law. And in addition, you may deputize and enlist the assistance of any government official or agency in carrying out the provisions of this Act,” saad pa ng mambabatas.

Hinimok ni Quimbo ang DA na gamitin ang buong kapangyarihan nito at panagutin ang mga negosyante sa hindi makatarungang pagtaas ng presyo.

“Huwag na huwag po natin sasabihin sa ating mga kababayan na kayo po ay powerless,” giit pa nito.

Kasabay ng pagpuri kay Laurel sa pakikipagtulungan sa mga residente ng Marikina, nilinaw ni Quimbo na ang kanyang mga pahayag ay upang matiyak ang malinaw na pag-unawa sa mga legal na responsibilidad ng DA.

“Nagka-clarify lang po tayo, baka may misunderstanding lang tayo patungkol po sa batas,” saad pa nito.

Ang Quinta Committee, na nilikha sa bisa ng House Resolution 2036 na isinulong nina Speaker Martin G. Romualdez at Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales, ito ay binubuo ng mga Komite ng Kamara sa Ways and Means, Trade and Industry, Agriculture and Food, Social Services, at ang Special Committee on Food Security, na pinamumunuan ni Rep. Joey Salceda, ang chairperson ng Ways and Means panel at ng mega panel sa pagsasagawa ng imbestigasyon.

Ipinagpapatuloy ng Quinta Comm ang pagsisiyasat sa mga dahilan ng mataas na presyo ng bigas, na nakatuon sa pagpapatupad ng gobyerno at market inefficiency upang maprotektahan ang mga Pilipinong mamimili.