Acop Antipolo 2nd District Rep. Romeo Acop

Quad Comm nabulgar kriminal ops sa likod ng drug war ni DU30

31 Views

GINAMIT umano ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte ang kanyang kontrobersyal na war against illegal drugs campaign para matakpan ang isang malaking iligal na negosyo na kinasasangkutan ng mga mataas na opisyal ng gobyerno at international drug syndicates at ng sistematikong korapsyon.

Sa huling pagdinig ngayong taon ng House quad committee noong Huwebes, iprinesinta ni Antipolo 2nd District Rep. Romeo Acop, ang senior vice chair ng komite, ang buod ng mga ebidensya at testimonya mula sa 13 pagdinig na isinagawa mula noong Agosto.

Sa paunang natuklasan ng joint panel na binubuo ng House committees on dangerous drugs, public order and safety, human rights, at public accounts—lumalabas na si Duterte at ang mga malalapit dito ang umano’y kumita mula sa kalakalan ng droga na kanyang ipinangakong wawakasan.

“Ladies and gentlemen, the Quad Comm has started to uncover a grand criminal enterprise, and, it would seem that at the center of it is former President Duterte,” ayon kay Acop. “Napakasakit po nito dahil pawang tayo ay nabudol.”

“Mahirap po ang trabaho natin dito sa Quad Comm. Walang gustong bumangga sa isang popular na dating Presidente. Pero kami po, tulad niya, ay halal ng taong-bayan,” saad ni Acop.

Ayon kay Acop, ang mga pinaka-pinagkakatiwalaang mga opisyal ng administrasyong Duterte ay may hawak ng “Purse at Sword” ng bansa, ngunit sa halip na gamitin ito para maglingkod sa tao, ginamit nila ang mga kapangyarihang ito para sa kanilang pansarili at pampolitikang interes.

“It is most unfortunate, however, that the Sword was used to slit, stab, and slash the very people it swore to protect—We the People—and the Purse was used not to benefit the Republic, but to line the pockets of the few. Nilunod nila ang bayan natin ng droga, at kumita dahil dito,” pahayag pa ni Acop.

Binanggit niya ang testimonya ni dating police intelligence officer Col. Eduardo Acierto, na tahasang pinangalanan sina dating Pangulong Duterte at Senador Christopher “Bong” Go at Ronald “Bato” Dela Rosa bilang diumano’y mga “pangunahing personalidad na nagtatanggol at nagpapalaganap ng illegal drug network sa Pilipinas.”

“Worse, they served as key figures in ensuring that large volumes of illegal drugs slip right through our borders. Asan ngayon si Col. Acierto? Nakatago dahil gusto siyang patayin ni former President Duterte,” giit pa ni Acop, na isang abogado at dating police general.

Sinimulan ni Acop ang kanyang presentasyon sa pamamagitan ng pagbalik-tanaw sa dalawang malalaking kaso ng smuggling ng droga noong 2017 at 2018, na tinawag niyang “Tale of Two Shipments.”

Ang mga kasong ito ay kinapapalooban ng P6.4 bilyon at P3.4 bilyon na halaga ng shabu, na naipuslit sa pamamagitan ng Manila International Container Port.

Ang mga testimonya mula sa mga pangunahing saksi—ang negosyanteng si Mark Taguba at dating Customs intelligence officer na si Jimmy Guban—ay nagbigay-detalye kung paano diumano’y pinangunahan ng anak ni Duterte, si Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte; ang kanyang manugang at asawa ni Vice President Sara Duterte na si Manases “Mans” Carpio; at ang kanyang dating economic adviser na si Michael Yang ang mga shipment na ito.

Sa testimoniya nina Taguba at Guban, ang mga kargamento ay nakalusot sa inspeksyon sa pamamagitan ng tara system—isang malalim at nakaugat ng suholan sa loob ng Bureau of Customs (BOC) kung saan ang milyon-milyong pisong suhol ay naging dahilan ng hindi napipigilang pagpasok ng mga droga.

“Paano po ito nakakalusot? It’s a crack in our system—a crack in the Bureau of Customs,” ayon kay Acop. “The tara system—grease money—allowed shipments of dangerous drugs to pass through without X-rays or inspections.”

Si Yang, na malapit na kasamahan ng dating pangulo, ay lumitaw bilang pangunahing tauhan sa imbestigasyon ng quad comm.

Una ng iprinesenta ni Acierto ang mga detalyadong ulat na nag-uugnay kay Yang sa isang organized drug trafficking network, kasama ang kanyang mga kasosyo na sina Allan Lim (kilala rin bilang Lin Weixiong) at Johnson Co.

Ayon sa mga ulat, ang mga operasyon ni Yang ay mula sa pagpapadali ng pag-aangkat ng droga hanggang sa pangangasiwa ng distribusyon at money laundering.

Ipinakita sa matrix ni Acierto ang isang “end-to-end” drug enterprise na kinabibilangan ng mga precursor shipments, manufacturing, at distribution sa buong Pilipinas.

Ipinakita rin sa mga testimonya ang koneksyon ni Yang sa 2004 Dumoy laboratory raid sa Davao City, kung saan natagpuan ang mahigit 100 kilo ng high-grade shabu na nagkakahalaga ng P300 milyon—ang pinakamalaking drug bust noong panahong iyon.

“The reports relayed to us by Col. Acierto only support the participation of several high-ranking officials, including Senator Bato Dela Rosa, Director General Aaron Aquino, Bong Go, Wilkins Villanueva… Umabot po sa matataas na opisyal na ito ang report ni Col. Acierto. Inuulit ko, walang nangyari,” giit pa ni Acop.

Inilarawan ng mga saksi ang reward system bilang gantimpala na nagtutulak sa mga pulis na patayin ang mga hinihinalang drug offenders, kahit walang sapat na pruweba.

“Every kill was compensated, and the bigger the ‘catch,’ the higher the pay,” saad ni Acop.

Pinatunayan ni Police Col. Jovie Espenido, na dating itinuturing na “poster boy” ng war on drugs, na ang mga gantimpala ay maaaring umabot ng hanggang P100,000 para sa bawat pagpatay.

Kinokondena ni Acop ang umiiral na reward system, na pangunahing tinarget ang mga laboratory at chemist, na naging daan sa pagpasok ng mga imported na droga at nag-domina sa merkado ng Pilipinas.

“It also led to countless extrajudicial killings—over 30,000 deaths, according to data,” dagdag pa niya.

Isa sa mga pinaka-explosibong pahayag ay ang alegasyon ng quad comm na maaaring si Duterte mismo ang nasa gitna ng operasyon ng droga.

Sa kanyang affidavit na isinumite sa International Criminal Court (ICC), inilarawan ni dating police officer Arturo Lascañas si Duterte bilang “Lord of All Drug Lords,” at inakusahan ng paggamit ng kanyang kampanya laban sa droga bilang kasangkapan upang alisin ang mga kakompetensya habang pinoprotektahan ang mga pangunahing tauhan sa drug industry.

Si Lascañas, ang self-confessed hitman at dating miyembro ng Davao Death Squad, ay nagpatunay na si Duterte mismo ang nag-utos sa mga pagpatay sa mga drug chemists at mga manggagawa na sangkot sa Dumoy laboratory.

Ayon sa kanyang affidavit, nagbayad si Duterte ng hanggang P500,000 upang alisin ang mga indibidwal na ito, na nagdulot ng mga katanungan kung ang mga pagpatay na ito ay tungkol ba sa pagsawata ng droga o sa pagpapabagsak ng mga kakompetensya.

Binigyang-diin ni Acop ang mga paulit-ulit na pangalan na konektado sa korapsyon na may kinalaman sa droga—sina Yang, Lim, Johnson Co, at iba pang kasamahan na laging lumilitaw sa iba’t ibang kwento.

Mula sa Dumoy laboratory raid hanggang sa Empire 999 Realty warehouse sa Pampanga, kung saan nakuha ang P3.6 bilyong halaga ng shabu noong 2023, ang parehong mga pangalan ay laging lumilitaw sa sentro ng mga operasyong ito.

“Madami at paulit-ulit na ang lumilitaw na koneksyon ni Michael Yang sa business ng droga,” saad ni Acop. “Pero sa gitna ng isang state policy called the ‘war on drugs,’ wala pa ring nakakagalaw laban sa kanya.”

Tinapos ni Acop ang kanyang presentasyon sa pangakong pananagutin ang mga may kasalanan.

Iginiit niya na ipagpapatuloy ng quad comm ang kanilang imbestigasyon sa 2025, na may layuning itama ang mga pagkukulang sa sistema at tiyakin ang katarungan para sa mga biktima ng giyera kontra droga.

“We will leave no stone unturned,” pagtiyak pa ni Acop.