Lacson

‘Wag bastusin kalayaan ng mga botante

281 Views

HANGAD ni independent presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson na matigil na ang nangyayaring tila pambabastos sa kalayaan ng mga botante na pumili ng nais nilang maging lider.

Ito ang binigyang-diin ni Lacson sa ginawa niyang paglantad sa publiko hinggil sa pagpilit sa kanya na umatras sa presidential race. Aniya, hindi niya layuning targetin o siraan ang kahit na sinong kandidato ngayong Halalan 2022.

“This is not all about against Leni; this is not all about against Marcos; or for Marcos; or for Leni. This is offering other options. ‘Yun ang essence ng aming paglabas ngayong umaga. And, ‘yun nga, warning na rin ‘wag kayong mag-subvert ng will of the electorate, kasi kami we’ll stand up as one,” pahayag ni Lacson sa ginanap na joint press conference kasama ng dalawa pang presidentiable, nitong Linggo.

Sa nasabing pagtitipon, kasama ni Lacson ang mga presidential candidate na sina Isko Moreno at dating Defense chief Norberto Gonzales para manawagan sa mga nasa loob ng kampo ni Vice President Leni Robredo na itigil na ang pagpapaatras sa kanila upang dalawa na lang sila ni dating Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na maglaban.

Ayon kay Lacson, dapat na manaig ang bukas at malayang pagpili ng taumbayan sa susunod na magiging pangulo. Hinimok rin ng mga dumalong presidential candidate ang mga grupo na nagpapalabas ng umano’y impormasyon na magkakaroon ng kaguluhan kung hindi ang ‘manok’ nilang kandidato ang pipiliin ng publiko na itigil na ang ganitong galawan.

“Kung democratically elected ‘yung mananalo, ‘wag niyong sabihing magkakagulo because kami mismo, using our own influence and resources, lalabanan namin yung manggugulo kung demokratiko ang pamamaraan ng pagpili ng ating pangulo. So, ‘yung manggugulo lalabanan din namin,” ani Lacson.

Iginiit ni Lacson na wala silang ibang layunin sa pagsasapubliko ng kanilang mga naranasan mula sa kampo ni Vice President Robredo kundi mabigyan lamang ng kaalaman ang publiko na hindi dalawang kandidato lang ang naglalaban sa halalan.

“We want to enlighten our voters na ‘wag kayong magpadala sa deception,‘wag kayong magpadala sa propaganda,” mensahe ni Lacson sa mga botante kasabay ng paggigiit na hindi nila ikinakampanya si Marcos, bagay na ibinabato sa kanya ng mga kritiko at supporter ni Vice President Robredo matapos ang naging joint press conference.

“Ang liwanag nga ng message namin. We are offering ourselves,” lahad pa ni Lacson.