Sunog Ang nasunog na bahay sa Navotas City kung saan lima ang nasawi.

5 patay sa sunog sa Navotas City

Edd Reyes Dec 14, 2024
23 Views

SunogLIMA ang patay, kabilang ang mag-ina at tatlong menor de edad na estudyante kung saan dalawa rito’y nakitulog lang, sa halos isang oras na sunog na tumupok sa isang bahay Sabado ng umaga sa Navotas City.

Dakong alas-7:02 ng umaga nang sumiklab ang apoy sa hindi pa batid na dahilan sa isang bahay sa Gov. Pascual St., malapit sa barangay hall ng Brgy. San Roque, na itinaas sa unang alarma ng alas-7:14 ng umaga.

Sa ulat na tinanggap ng Navotas City Public Information Office, idineklarang under control ang sunog ng alas-7:42 ng umaga bago tuluyang naapula ng alas-7:53.

Nang pasukin ng mga tauhan ng Navotas Bureau of Fire Protection (BFP) ang mausok pang bahay, natagpuan na pawang walang malay ang mag-inang sina Sarah, 41, at Xylem Lorein Constantino, 17, senior high school sa Arellano University Malabon; pinsan niyang babae na si Ruthie Tongco, 12, Grade 6; at ang magkapatid na sina Daniella, 13, at Kyla Jocson, 12, Grade 8 at Grade 6 students, na nakitulog lang sa natupok na bahay.

Kaagad na isinugod ng ambulansiya sa Navotas City Hospital ang mga biktima subalit hindi na umabot ng buhay bunga ng matinding pagkakalanghap ng usok.

Ayon sa Navotas BFP arson investigator, walang tinamong sunog sa anumang bahagi ng katawan ang mga biktima at wala ring palatandaan na naging biktima sila ng anumang uri ng karahasan.

Inaalam pa ng mga arson investigators ang pinagmulan ng sunog at kung magkano ang natupok na halaga ng ari-arian, habang tiniyak naman ng tanggapan ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco na magpapadala ng tulong ang lokal na pamahalaan at sasagutin na rin nila ang libing o cremation ng mga biktima.

Nanawagan din si Mayor Tiangco sa mamamayan na maging maingat at mapagbantay ngayon panahon ng Kapaskuhan lalu na’t kabi-kabila ang mga substandard na ibinebentang Christmas lights.