Mary Grace

1,322 iba pang ‘Mary Grace Piattos’ nadiskubre

58 Views

MAYORYA ng bilang ng mga indibidwal na nakalista at tumanggap ng P500 milyong pondo mula sa tanggapan ni Vice President Sara Duterte ang walang rekord ng kapanganakan sa database ng Philippine Statistics Authority (PSA), kaya lalong tumindi ang duda na gawa-gawa lamang umano ang mga ito tulad ni “Mary Grace Piattos.”

Alinsunod sa atas ng House committee on good government and public accountability, sinilip ng PSA ang civil registry record ng 1,992 indibidwal na tumanggap ng confidential funds batay sa isinumiteng dokumento ng Office of the Vice President (OVP) sa Commission on Audit (COA).

Sa 1,992 pangalan, sinabi ng PSA na 1,322 ang walang rekord ng kapanganakan sa kanilang database.

Ayon sa PSA, mayroon namang malapit na katugma ang 670 pangalan sa database nito.

Natuklasan din ng PSA na sa 1,992 pangalang isinumite sa beripikasyon, 1,456 ang walang rekord ng kasal at 536 naman ang posibleng may kaparehong record.

Wala namang death record ang 1,593 habang 399 naman ang may kaukulang tala.

Ang resulta, na may petsang Disyembre 11, ay ipinadala ni National Statistician at Civil Registrar General Undersecretary Claire Dennis Mapa kay Manila 3rd District Rep. Joel Chua, ang pinuno ng komite, na kilala rin bilang House Blue Ribbon committee.

Ang bagong listahan ng mga pangalan ay nakalista sa mga acknowledgment receipt (AR) na isinumite ng OVP sa COA bilang patunay ng paggastos ng confidential funds mula Disyembre 2022 hanggang sa ikatlong quarter ng 2023.

Sinabi ni Chua na ang mga bagong natuklasan ng PSA ay nagbibigay ng matibay na ebidensya na ang mga AR na isinumite upang ipaliwanag ang P500 milyong confidential funds ay malamang peke diumano.

“This certification from the PSA leaves little doubt—if these names cannot be found in the civil registry, it strongly suggests they do not exist. The ARs may have been manufactured to justify the disbursement of confidential funds,” saad pa niya.

Dagdag pa ni Chua, “These findings raise a critical question: if the recipients don’t exist, where did the money go? This is not just a clerical error; this points to a deliberate effort to misuse public funds.”

Ang beripikasyon ay kasunod ng mga naunang natuklasan ng PSA na nagpakita ng mga pagkakaiba-iba sa mga rekord na may kinalaman sa hiwalay na P112.5 milyong confidential fund na ipinamahagi ng Department of Education (DepEd) sa panahon ng pangangasiwa ni Duterte bilang kalihim ng DepEd noong 2023.

Sa 677 pangalang iniimbestigahan sa kasong iyon, 405 ang walang rekord ng kapanganakan, 445 ang walang marriage certificates at 508 ang walang death certificates.

Ang pangalang “Mary Grace Piattos” sa mga resibo ng DepEd ay naging simbolo umano ng pagdududa ng publiko nang tiyakin ng PSA na walang ganitong tao sa kanilang civil registry database.

Ang pangalang ito, na itinuturing ng marami bilang pinaghalong pangalan ng isang sikat na restawran at brand ng meryenda, ay naging simbolo ng mga alegasyong iregularidad sa paggamit ng confidential fund.

Ang pangalang “Kokoy Villamin” ay lumabas sa parehong mga resibo ng OVP at DepEd, ngunit may mga hindi tugmang pirma.

Katulad ni Piattos, kinumpirma ng PSA na wala ring rekord si Villamin sa civil registry, na nagpatibay umano ng hinala ng mga gawa-gawang benepisyaryo.