Tingog Party-list Rep. Jude Acidre

Mga lider ng Kamara kay VP Sara: Puro salita, panay iwas

13 Views
Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun
Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun

ANG pahayag ni Vice President Sara Duterte na ang impeachment ang “proper venue” para harapin ang mga alegasyon laban sa kanya ay umani ng matinding batikos mula sa mga lider ng Kamara.

Inakusahan nila siya ng pag-iwas sa pananagutan at paulit-ulit na pagtanggi sa mga pagkakataong linawin ang mga kritikal na isyu.

Sinabi ni Duterte nitong weekend na ang impeachment ay magbibigay sa kanya ng pagkakataong harapin ang mga paratang sa isang pormal at maayos na proseso, bagamat tinawag niya itong isang “abala” na kanyang tatanggapin.

Ngunit mabilis na tinuligsa nina House Assistant Majority Leaders Jay Khonghun (Zambales, 1st District) at Jude Acidre (Tingog Party-list) ang sinabi ng bise presidente.

Kanilang binigyang-diin ang umano’y pattern ng pag-iwas, kabilang ang pagtanggi niyang dumalo sa mga pagdinig ng Kongreso at imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI).

Samantala, kinuwestiyon naman ni Deputy Majority Leader at La Union 1st District Rep. Francisco Paolo Ortega V ang sinseridad ng pahayag ni Duterte.

Ayon kay Khonghun, na pinuno rin ng House special committee on bases conversion, isa na naman itong halimbawa ng “lip service” o pagkukunwari sa pananagutan.

“Again, it’s another lip service ng ating Bise Presidente dahil nakikita naman natin na napakadaming pagkakataon na kailangan niyang magpaliwanag, hindi naman siya nagpapaliwanag,” ani Khonghun sa isang press conference.

“Ngayon ang sinasabi niya through impeachment ay makakapagpaliwanag siya. Pero nakikita naman natin, inisnub niya ang hearing sa Kongreso, inisnub niya ang hearing sa NBI, hindi siya nagpupunta, hindi nagpapakita,” dagdag niya. “So mahirap talaga magpaliwanag kung hindi mo alam kung paano mo ipapaliwanag ang iyong mga ginagawa. Sana malinawan ang kanyang pag-iisip.”

Inakusahan naman ni Acidre si Duterte na tila pinalalabas niyang siya ay higit sa batas at hindi sakop ng mekanismo ng pananagutan.

“It seems like the Vice President has always made it a point that she is above the law. It seems like the law should apply to everyone except to herself,” pahayag ni Acidre.

Binigyang-diin naman ng chairman ng House committee on overseas workers affairs na dapat tumugma ang mga aksyon ni Duterte sa kanyang mga sinasabi.

Aniya, ang tiwala ng publiko ay nakasalalay sa kooperasyon at transparency.

“Kung sinabi man ‘yan ng Pangalawang Pangulo, we welcome it in the spirit of Christmas, we look forward to it. Kung gugustuhin lang po ni VP Sara na sumagot sa impeachment, tungkulin po niya na sumagot. Sabi nga natin, public office is a public trust,” paliwanag niya.

“Hindi po depende sa amin kung kailangan naming sagutin ang mga katanungan ng bayan. Tungkulin po namin na sagutin ang aming mga pananagutan sa taong bayan,” dagdag niya.

Samantala, sinabi ni Ortega na ang pahayag ni Duterte ukol sa impeachment ay tila isa lamang delaying tactic para iwasan ang mga tanong ng publiko.

“Tama po siya. Pero ang problema paano kung walang impeachment? Saan na naman po siya sasagot? Baka wala na naman. Siguro mas maganda po na gawa na lang, hindi po salita,” saad ni Ortega.

Si Duterte ay kasalukuyang iniimbestigahan kaugnay ng ilang kontrobersya hinggil sa paggamit ng pampublikong pondo at sa kanyang pamumuno.

Dalawang impeachment complaints na ang isinampa laban sa kanya, kabilang ang alegasyon ng maling paggamit ng public funds at kabiguang ipagtanggol ang budget ng Office of the Vice President (OVP) sa Kongreso.

Iniimbestigahan din ng House committee on good government and public accountability ang umano’y maling paggamit ng P612.5 milyon na confidential funds ng OVP at Department of Education (DepEd) sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang kalihim ng edukasyon.

Ang mga pondong ito ay itinuro bilang may kaduda-dudang paggamit at kakulangan ng tamang dokumentasyon. Gayunpaman, paulit-ulit na tumangging harapin ni Duterte ang mga alegasyon o sumagot sa mga tanong ng mga mambabatas.

Bukod pa rito, nagsagawa rin ng imbestigasyon ang NBI kaugnay ng umano’y banta ni Duterte na ipapapatay si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sakaling siya ay mapaslang.

Sa kabila ng dalawang subpoena, hindi sumipot si Duterte sa imbestigasyon, dahilan upang ang kaso ay maresolba ng NBI base lamang sa mga ebidensyang nakalap.