Teofimar Renacimiiento

Idolo ng ‘palpak’ na Robredo ang ‘palpak’ na Cory Aquino

236 Views

UNANG BAHAGI

HINDI tinatago ni Leni Robredo ang kanyang paghanga kay Cory Aquino, ang ‘palpak’ na pangulo ng Pilipinas mula 1986 hanggang 1992.

Ayon kay Robredo, nakikita daw niya ang kanyang sarili kay Ginang Aquino. Sinasabi ng mga alagad ni Robredo na kapag sila ang mananalo sa halalan sa Mayo 2022, panibagong Cory Aquino ang muling mamumuno sa Pilipinas.

Iyan na talaga ang pinakamalungkot na maaring mangyari sa Pilipinas at sa mga mamamayang Pilipino.

Sa ilalim ni Cory Aquino, puro suliranin ang inabot ng ating bansa.

Una, linansag ni Aquino ang Department of Energy (DOE) sa kanyang mababaw na dahilan na linikha ito ni Pangulong Ferdinand Marcos nuong panahon ng martial law. Dahil sa kapalpakan ni Aquino, nagkaroon ng mahahaba at malaganap na brownout araw-araw sa buong Pilipinas ng halos tatlong taon (1989-1992).

Bumalik sa normal ang supply ng koryente sa Pilipinas ng nawala na sa Malacañang si Aquino.

Pangalawa, nang maging pangulo si Aquino, pinakawalan niya sa bilangguan sina Jose Ma. Sison at iba pang mga komunista sa Pilipinas.

Si Sison ang nagtatag ng Communist Party of the Philippines, na siyang nagbunga sa New People’s Army at National Democratic Front. Layunin ng CPP-NPA-NDF ang pabagsakin ang pamahalaang demokratiko sa Pilipinas at ihalili dito ang pamahalaang sunud-sunuran sa mga komunista sa Tsina.

Kapag ang komunista ang nasa kapangyarihan, ang mga mamamayan ay walang karapatang magsalita ng malaya. Walang malayang mga pahayagan. Kinukulong ang kahit sinong tumututol sa pamahalaan. Ang mga kandidato ng pamahalaan ang may tanging karapatang tumakbo sa mga halalan. Sapilitan ang pagsapi ng mga mamamayan sa militar. Ang mga nasa kapangyarihan lang ang maaring mabuhay ng matiwasay.

Salot sa lipunang malaya ang mga komunista.

Mula pa nung 1969, gumagawa na ng gulo ang CPP-NPA-NDF sa mga paaralan at pamantasan (lalo na Pamantasan ng Pilipinas o UP), sa mga pabrika at mga negosyo, at sa mga hanay ng mga manunulat ng pahayagan, pati na rin sa radyo at telebisyon.

Ang CPP-NPA-NDF din ang nagpasimuno ng mga malakihan at marahas na mga rally sa Maynila, malapit sa Malacañang, upang mag-away-away ang mga estudyante at manggagawa sa isang panig, at ang mga pulis at militar sa kabilang panig.

Mga komunista din ang may-akda sa pagsabog ng mga granada sa rally ng mga pulitikong kumakalaban kay Pangulong Marcos sa Plaza Miranda sa Quiapo, Maynila nung Agosto 21, 1971. Siyam ang namatay, at marami ang sugatan.

Pinalabas ni Sison na si Pangulong Marcos ang may kasalanan sa nangyari sa Plaza Miranda. Tinanggihan ito ni Pangulong Marcos, ngunit ginamit pa rin ng mga taga-oposisyon tulad nina Senador Ninoy Aquino ang nangyari sa Plaza Miranda laban kay Marcos.

Si Ninoy mismo, wala sa Plaza Miranda nung sumabog ang mga granada. Bakit kaya?

Nakita ng CPP-NPA-NDF na kapag matindi ang awayan ng Pilipino sa kapwa Pilipino, magkakaroon ng gulo at digmaan sa bansa. Kapag nangyari iyon, papasok ang CPP-NPA-NDF sa eksena at kakamkamin nila sa pamamagitan ng karahasan ang kapangyarihan ng pamahalaan.

Nabuwag ang mga plano at ambisyon ng CPP-NPA-NDF na mamuno sa Pilipinas matapos ilagay ni Pangulong Marcos sa ilalim ng martial law ang buong bansa nung Setyembre 1971. Sa mga sumunod na taon, isa-isang nahuli ng mga alagad ng batas sina Sison atbp., at sila ay kinulong.

Dahil si Pangulong Marcos ang nagpakulong kay Sison, nagpasiya si Cory Aquino na pakawalan, bilang bagong pangulo ng Pilipinas, sa bilangguan si Sison atbp. Matapos ng sandaling panahon, tumakas si Sison sa Pilipinas upang manirahan sa Utrecht, bansang Holland, sa Europa. Duon sa Utrecht tinuloy ni Sison ang kanyang pamumuno sa CPP-NPA-NDF.

Dahil kay Sison, tuloy pa ring naniningil ng sapilitan ang mga kadre ng CPP-NPA-NDF ng “revolutionary taxes” sa mga negosyanteng may mga pabrika sa mga liblib na lalawigan at lugar sa buong bansa. Ang salaping iyon ang ginagastos ni Sison sa matiwasay niyang buhay sa Utrecht, at ginugugol din ng CPP-NPA-NDF para bumili ng armas na ginagamit nila sa pagpatay sa mga kawal Pilipino, at sa kahit sinong pangkaraniwang Pilipinong tutol sa mga komunista.

(ITUTULOY)