Acidre Tingog Party-list Rep. Jude Acidre

Pagpapakalat ng pekeng impormasyon kaugnay ng pagtanggal ng PhilHealth subsidy ihinto

16 Views

NANAWAGAN ang mga lider ng Kamara de Representantes na itigil na ang pagpapakalat ng maling impormasyon kaugnay ng naging desisyon ng Senado at Kamara de Representantes na alisin ang subsidy ng gobyerno sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) para sa 2025.

“Sasabihin ko lang po sa mga nagpapakalat ng maling kwento. Maawa naman kayo sa taong bayan. Pamasko niyo na lang sa amin. Tigilan niyo na ang pagsisinungaling,” ani Assistant Majority Leader at Tingog Party-list Rep. Jude Acidre.

Ayon kay Acidre, hindi totoo na walang magagamit na pondo ang PhilHealth sa susunod na taon upang maipagpatuloy ang benepisyong ibinibigay nito sa mga miyembro.

Sinabi ni Deputy Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega V na baka ang mga nagpapakalat ng maling impormasyon ay hindi man lang miyembro ng PhilHealth.

“Itong mga nagpapakalat ng fake news, baka di pa sila member ng PhilHealth kaya bitter sila. Kaya itigil n’yo na ‘yang mga kalokohan na pinaggagagawa niyo,” sabi ni Ortega.

Iginiit ng dalawang lider ng Kamara na mayroong sapat na pondo ang PhilHealth para matulungan sa pagpapagamot ang mga miyembro nito.

“Sa mga kababayan po natin, klaro ho ‘yung mga numero, hindi po matitigil sa isang taon (ang subsidy). May sapat pong reserbang pondo ang PhilHealth para matugunan hindi lang para sa isang taon, dalawang taon pa po,” ani Acidre.

“At hopefully, by then we’ve already corrected (the deficiencies) so we could put in more, probably funds to PhilHeath once the corrections are made, the adjustments are made,” wika pa nito.

Sinabi pa nito na madaragdagan ang mga benepisyong ibinibigay ng PhilHealth sa susunod na taon.

“Madadagdagan pa by next year ang mga case rates natin. So siguro naman kailangan lang nito magtulungan. Magtulungan tayong lahat,” dagdag pa nito.

Iginiit naman ni Ortega na maraming pondo ang PhilHealth para maipagpatuloy ang mga programa nito.

“Masakit po talaga ang mabitin, kaya sinisigurado po natin sa taong bayan po na PhilHealth has more than enough funds to cover its members for the entire year. Klarong-klaro po ‘yan,” wika pa nito.

Ayon kay Ortega, bukod sa PhilHealth ay maaari ring humingi ng tulong ang mga mahihirap na pasyente sa Department of Health (DOH).

“Karaniwan naman po ‘yung mga pasyente natin…bulk naman po ng pinagkukuhanan ng tulong ay ‘yung medical assistance program natin na under the DOH. Actually, mas malaki pa po ‘yung nakukuha nila na assistance kumpara po doon sa naibabawas doon sa PhilHealth,” saad pa nito.

“So siguro misinformation is causing a little stress to the public, but then again, we have more than enough and we also have the medical assistance program po from the DOH to help our mas nangangailangan pa na ating mga kababayan,” dagdag pa nito.

Sinabi ni Acidre na naiintindihan ang pangamba ng mga miyembro ng PhilHealth na inaakalang wala na silang makukuhang benepisyo dahil sa maling impormasyong ipinapakalat sa social media.

“I understand where the frustration of the people is coming from. Kasi 2014 hanggang this year 2024, 10 years halos, hindi nagbago ang case rate. Siguro kasama sa dapat imbestigahan bakit nangyari ‘yun? Bakit hindi po natin in-update ang case rate? Ano ba ang proseso kung i-update?” tanong nito.

Ayon kay Acidre, dapat ding silipin ng Kamara kung saan inilalagay ng PhilHealth ang reserve funds nito na nasa P607 bilyon ang halaga.

“Isa po din ‘yan sa pinapa-explain na hindi pa rin ma-explain ng maayos. We’re looking forward to an opportunity siguro next year to also review saan ba ang investible funds ng PhilHealth napupunta,” wika pa nito.