Martin Binisita ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang mga sugatang sundalo na nasa AFP Medical Center nitong Martes at binigyan sila ng tulong pinansyal. Pinangunahan din niya ang inagurasyon ng Phase 1 ng Bagong Bayaning Mandirigma Casualty and Cancer Care Center sa ospital. Kuha ni VER NOVENO

Speaker Romualdez binigyan ng tulong pinansyal sugatang sundalo sa AFP Medical Center

Mar Rodriguez Dec 18, 2024
16 Views

PINASAYA ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang Pasko ng 29 na sundalo na naka-confine sa Armed Forces of the Philippines Medical Center (V. Luna Medical Center) noong Martes nang bigyan niya ang mga ito ng tulong pinansyal upang matustusan ang kanilang mga gastusing medikal at mapagaan ang mga hamong kinahaharap ng kanilang mga pamilya.

Sinabi ni Speaker Romualdez na ang tulong pinansyal ay ibinigay sa mga sugatang sundalo bilang pagkilala sa kanilang sakripisyo at dedikasyon sa bayan.

“These brave men and women have given so much for our country, and it is only fitting that we extend our gratitude and assistance to help them during this season of giving,” ayon kay Speaker Romualdez.

Limang sundalo na nagkaroon ng malubhang pinsala habang nagsasagawa ng kanilang tungkulin ay tumanggap ng tig-P100,000 na tulong pinansyal.

Kabilang na sina SSG. Rodel Buenavista (Philippine Marines) at SGT. Clint John Cuizon, CPL. Ronbel Esporma, CPL. Argie Son-oc at SSG Benjie Idmilao, na pawang mula sa Philippine Army.

Habang ang 24 pang mga sundalo na nagpapagaling mula sa iba’t ibang mga sugat ay nakatanggap ng tig-P10,000 na financial support.

Kasabay ng inagurasyon ng Phase 1 ng Bagong Bayaning Mandirigma Casualty and Cancer Care Center sa V. Luna Medical Center, binisita ng pinuno ng Kamara ang mga sugatang sundalo sa nasabing pagamutan.

“This modest support is our way of showing appreciation for their heroism and to let them know that they are not alone in their recovery,” saad pa nito.

Binigyang pagkilala ni Speaker Romualdez ang pagpapahalaga sa mga sakripisyong ginawa ng mga kasapi ng Armed Forces, lalo na ang mga sugatan habang tinutupad ang kanilang tungkulin.

Tiniyak niya sa mga sundalo na ang kanilang kapakanan ay nananatiling prayoridad at patuloy silang susuportahan ng gobyerno pati na rin ang kanilang mga pamilya.

Ipinaabot din ni Speaker Romualdez ang kanyang mga pagbati para sa mabilis na paggaling ng mga sundalo at pinaalalahanan sila na ang kanilang tapang at mga sakripisyo ay hindi kailanman malilimutan.