Speaker Romualdez Nagbigay ng mensahe si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa inagurasyon ng first phase ng Bagong Bayaning Mandirigma (BBM) Casualty and Cancer Care Center sa V. Luna Medical Center sa Quezon City hapon ng Martes. Ang pasilidad ay maghahatid ng modernong serbisyong medikal sa mga sundalo bilang suporta ng gobyerno sa mga makabagong bayani ng bansa. Kuha ni VER NOVENO

Speaker Romualdez pinangunahan inagurasyon ng Bagong Bayaning Mandirigma Casualty and Cancer Care Center

Mar Rodriguez Dec 18, 2024
14 Views

PINANGUNAHAN ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez noong Martes ng hapon ang inagurasyon ng Bagong Bayaning Mandirigma (BBM) Casualty and Cancer Care Center sa V. Luna Medical Center, na isang mahalagang hakbang tungo sa mas maayos na serbisyong pangkalusugan para sa mga sundalo at kanilang mga pamilya.

Kasabay ng pagpapasinaya, inanunsyo rin ni Speaker Romualdez sa kanyang talumpati na bilang bahagi ng diwa ng Kapaskuhan, ang lahat ng paying-patient na naka-admit sa V. Luna Medical Center noong Martes ay makikinabang sa zero-billing program.

“We have allotted P20 million to cover all of the patients’ bills today,” ayon kay Speaker Romualdez.

Binigyang-diin pa ni Speaker Romualdez na ang center ay hindi lamang isang ospital, kundi magsisilbing tahanan ng pag-asa—isang simbolo ng walang patid na suporta ng gobyerno para sa mga makabagong bayani ng bansa na handang magbuwis ng buhay para ipagtanggol ang bayan.

“The BBM Center represents the nation’s deep appreciation for the sacrifices of our soldiers—our bayaning mandirigma—who risk their lives every day to protect our people and sovereignty,” saad pa nito.

Ang BBM Casualty and Cancer Care Center ay maghahatid ng makabagong serbisyong medikal, partikular para sa mga pasyenteng may kanser at sa mga nangangailangan ng specialized casualty care.

Pinuri din niya ang Congressional Spouses Foundation, Inc. (CSFI) at ang MVP Group of Companies para sa kanilang pagtutulungan na nagbigay-daan upang maisakatuparan ang proyekto ng BBM Casualty and Cancer Care Center.

Kabilang din sa nagpasinaya sa event si CSFI President, former Rep. Rosemarie Arenas, at Chairperson, Tingog Party-list Rep. Yedda Marie K. Romualdez, at MVP Group of Companies Chairman Manuel V. Pangilinan.

“I assure you, you are not just in good hands but in the best of hands. You will be getting the best, hindi lang first-class pero world-class medical facilities and attention here at V. Luna,” pahayag pa ni Speaker Romualdez sa mga sundalo at pasyenteng dumalo sa paglulunsad ng proyekto.

“Ang Cancer Care at Casualty Support na hatid ng pasilidad na ito ay simbolo nang pagkalinga sa inyong lahat. Kayo, na araw-araw ay itinataya ang buhay para sa sambayanang Pilipino,” dagdag pa nito.

Bukod sa inagurasyon ng center, tiniyak din ni Speaker Romualdez ang patuloy na pagsusumikap ng Kongreso na itaguyod ang kapakanan ng mga sundalo, kung saan binanggit nito ang kamakailang pag-apruba ng P350 na arawang allowance sa pagkain o P10,500 na buwanang allowance para sa mga sundalo sa ilalim ng 2025 National Budget.

“Maliit man ito kumpara sa inyong sakripisyo, ito ay unang hakbang pa lamang sa pagkilala namin sa inyong kabayanihan. Asahan ninyo na gagawin namin ang lahat upang palawakin pa ang inyong mga benepisyo,” pagtiyak nito sa mga sundalo.

“Hindi kayo nag-iisa sa laban na ito. Kasama ninyo ang gobyerno, kasama ninyo ang sambayanang Pilipino. You fight for us every day, and it is our duty to stand by you and your families in return,” dagdag niya.

Ayon sa lider ng Kamara, ang BBM Casualty and Cancer Care Center ay isang patunay ng dedikasyon ng gobyerno, na titiyak na walang sundalo ang maiiwan—-hindi lamang sa larangan ng digmaan kundi pati na rin sa kanilang laban para sa kalusugan at paggaling.