Calendar
Katagang confi fund naa-allergic na marami
PARANG allergic na ang marami kapag naririnig ang katagang “confidential fund” dahil sumasagi kaagad sa isip nila ang milyon-milyong pisong hindi maipaliwanag na paggastos dito ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte.
Nagsumite nga ng mga dokumento ang tanggapan ng Office of the Vice President (OVP) at DepEd na dati niyang pinamumunuan pero sa halip na maging malinaw, lumabo pang lalu ang paraan ng paggastos dahil pawang mga bogus ang pangalang nakalagay sa acknowledgement receipt.
Kung tutuusin, hindi lang naman talaga ang OVP ang mayroong confidential fund kundi marami pang ahensiya ng pamahalaan at maging ng mga local government units (LGUs) kaya tiyak na tataas na naman ang kilay ng marami sa napaulat na 10 sa 16 na siyudad sa National Capital Region (NCR) ay gumastos ng pinagsamang P728.28 milyong confidential funds noong 2022-2023.
Wala namang problema rito kung maipapaliwanag naman ng maayos ng mga LGUs sa Commission on Appointment (COA) kung papaano nila ginastos ang kanilang confi fund basta’t dapat ay may kaugnayan ito sa Peace and Order Programs at mga aktibidad na may kaugnayan din sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan.
Kabilang sa mga LGUs ang gumastos ng malaki sa kanilang mga confidential funds ang Makati, Manila, Quezon City, Pasay, Caloocan, Parañaque, Muntinlupa; Marikina City, San Juan, at Malabon pero lahat ay may maayos na paliwanag naman daw sa COA.
Ang magandang pakinggan, may limang lungsod pala sa NCR ang hindi gumastos maski isang kusing ng kanilang confidential fund dahil maayos nilang nailatag ang mga programa at aktibidad sa pagsasa-ayos ng kaayusan at katahimikan sa kanilang mga lungsod at ang mga ito ay ang mga Lungsod ng Navotas, Valenzuela, Taguig, Mandaluyong, at Pasig.
Kung inyong mapupuna, apat sa limang lungsod na zero ang confidential expenses ay pinamunuan ng iisang angkan ng mga pulitiko na nangangahulugan lang na epektibo talaga ang “Continuity of Government”. Siyempre, may ibang diskarte siguro si Mayor Vico Sotto kaya hindi niya ginastos ang kanyang confi fund.
Kasiyahan ng mga bata ngayon Kapaskuhan, huwag haluan ng kalokohan
MASAYANG Kapaskuhan sa mga bata ang hangad ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Muntinlupa, kaya lahat ng alam nilang ikasisiya ng mga ito, lalu na yung mga anak ng maralita, ay nais nilang ipagkaloob.
Mababaw lang naman ang kaligayahan ng mga bata, basta may masaya at maliwanag na paligid at may mga rides na mapagpipilian, sapat na sa kanila kaya dito sa Brgy. Poblacion sa Rizal St., gabi-gabing maaya ang mga bata dahil pinayagan ang pagtatayo ng mini-carnival kahit harap lang ito ng isang paaralan at hindi rin malayo sa isang parochial school.
Batid siguro ng lokal na pamahalaan na layunin din ng nagtayo ng mini-carnival na magbigay kasihayan sa mga bata lalu na’t kilala na kabilang ang operator sa angkan ng pulitiko sa isang munisipalidad sa lalawigan ng Cavite.
Ang problema, yung isang partner ng pulitiko na si alyas “Ice”, baligtad daw ang hangad dahil naglatag pa ng illegal na sugal at numbers game kaya baka maudlot ang saya ng mga bata dahil ayaw ni Mayor Ruffy Biazon ng ganyan.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected].