Calendar
Obrero hinostage ng 4 na oras pamilya dahil sa LQ
MAHIGIT apat na oras hinostage ng 28-anyos na obrero ang kanyang live-in partner at apat na menor-de-edad na mga anak matapos ang mainitang pagtatalo ng magkinakasama Huwebes ng umaga sa Taguig City.
Natanggap ng pulisya ang insidente ng pangho-hostage ng suspek sa kanyang pamilya sa loob mismo ng kanilang tirahan sa Barangay Bagumbayan dakong alas-7:40 ng umaga kaya’t kaagad silang nagresponde ang mga tauhan ng Taguig City Police, kasama ang mga tauhan ng Special Weapons and Tactics (SWAT) team.
Gumawa ng paraan si Taguig police chief P/Col. Joey Goforth upang magkaroon sila ng linya ng komunikasyon sa hostage taker kaya’t nasimulan ang pakikipagnegosasyn.
Walang ibinigay na detalye ang pulisya kung ano ang demand o nais ng suspek, na armado ng patalim nang pagbantaang papatayin ang kanyang buong pamilya dahil ang kaligtasan ng mga biktima ang kanilang prayoridad.
Sa tinanggap na ulat ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Acting Director Anthony Aberin, hinimok ng pulisya ang mapayapang pagsuko ng suspek, kasabay ng pagtiyak din sa kanyang kaligtasan.
Dakong alas-11:50 ng tanghali nang magawang makumbinsi ng pulisya ang suspek na sumuko ng mapayapa at pinayagan na rin niyang makalabas ng bahay ng ligtas at walang anumang pinsala sa katawan ang kanyang sariling pamilya.
“I commend the Incident Commander and team for launching a successful operation which resulted in the rescue of the victims and the arrest of the suspect. Your competence in the resolution of this high-risk situation exemplifies what NCRPO represents-an Able, Active and Allied police force,” pahayag ni Aberin matapos ang matagumpay na pag-rescue sa mga biktima at pagsuko ng suspek.
Sasampahan ng pulisya ng patong-patong na mga kasong illegal detention, direct assault, alarm and scandal, at paglabag sa Batas Pambansa Blg. 6 o illegal possession of bladed weapon ang suspek sa Taguig City Prosecutor’s Office.