Calendar
Satisfaction, trust ratings nina PBBM, Speaker Romualdez tumaas — Tangere
UMANGAT ang satisfaction at trust ratings nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Speaker Ferdinand Martin Romualdez ayon sa resulta ng survey ng Tangere.
Nakapagtala si Pangulong Marcos ng satisfaction rating na 47.90 porsiyento mula sa 47.30 porsiyento at trust rating na 60.10 porsiyento mula sa 59.60 porsiyento.
Ang pag-angat ng mga satisfaction at trust rating ni Pangulong Marcos ay itinulak ng pagtaas sa Northern Luzon at mga respondent na edad 18 hanggang 50 taong gulang.
Nakapagtala naman ng 32.7 porsiyentong dissatisfaction rating si Marcos na itinulak ng resulta ng survey mula sa Mindanao at mga edad 51 taong gulang pataas. Ang distrust rating ni Pangulong Marcos ay 25.3 porsiyento.
Samantala, si Speaker Romualdez ay nakapagtala ng 47.9 porsiyentong satisfaction rating, tumaas mula sa 47.3 porsiyento.
Ang kanyang trust rating ay naitala naman sa 58.2 porsiyento, umakyat mula sa 57.4 porsiyento.
Ang dissatisfaction rating ni Speaker Romualdez ay 25.6 porsiyento samantalang ang distrust rating nito ay 22.7 porsiyento.
Bumaba naman ang satisfaction rating ni Vice President Sara Duterte sa 45.5 porsiyento mula sa 47.5 porsiyento. Ang kanya namang trust rating ay bumaba sa 53.4 porsiyento mula sa 55.5 porsiyento.
Si Senate President Francis Escudero ay nakapagtala ng 52.7 porsiyentong satisfaction rating at trust rating na 61.5 porsiyento.
Si Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo ay nakapagtala naman ng 39.3 porsiyentong satisfaction rating at 42.2 porsiyentong trust rating.
Ang survey ay ginawa mula Disyembre 16 hanggang 19 gamit ang mobile-based respondent application. Mayroon itong 2,000 sample size at margin of error na +/- 2.20 porsiyento at 95 porsiyentong confidence level.