Calendar
Jowa umepal sa pagtiklo sa murder suspek laglag sa sangkatutak na boga, bala
ARESTADO ang babae dahil sa sangkatutak na baril at bala na humarang sa mga pulis para arestuhin ang kanyang live-in partner na wanted dahil sa kasong murder noong Linggo sa Taguig City
Dahil sa ginawang paghadlang ni alyas Jessica, 32, nabigong maisilbi ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Unit, Intelligence Unit at Special Weapon and Tactics (SWAT) ang warrant of arrest sa kanyang kinakasamang si alyas Marvin.
Sa ulat na tinanggap ni Southern Police District (SPD) Acting Director P/BGen. Manuel J. Abrugena, dakong alas-11:00 ng umaga nang magtungo sa bahay ni alyas Marvin sa Brgy. Hagonoy ang mga pulis upang isilbi ang warrant of arrest pero umepal si Jessica kaya’t bago pa makapasok ang mga pulis, nakatakas na ang akusado.
Sa loob ng bahay, nakita ng mga pulis ang isang M16 rifle, 10 bala ng 5.56mm sa magazine, kalibre .45 pistola na may tatlong bala sa magazine.
Nang hanapin ng mga pulis kay Jessica ang dokumento para sa legal na pag-iingat ng armas, wala siyang mai-prisinta kaya kaagad siyang inaresto.
Ayon kay Taguig police chief P/Col. Joey Goforth, bukod kay Marvin target din ng pag-aresto si alyas Margarito na kasama nang isagawa nila ang karumal-dumal na krimen.
Mga kasong Obstruction of Justice at paglabag sa RA 10591 (Illegal Possession of Firearm and Ammunition) ang isasampa ng mga pulis laban kay Jessica sa Taguig City Prosecutor’s Office.