3 impeachment vs VP Sara makakalusot sa Kamara — Rep. Bordado

Mar Rodriguez Dec 26, 2024
23 Views

KUMPIYANSA si House Assistant Minority Leader at Camarines Sur 3rd Dist. Rep. Gabriel Bordado, Jr. na makakalusot o makakapasa sa Kamara de Representantes ang tatlong impeachment complaint na inihain laban kay Vice President Inday Sara Duterte sa gitna ng mga agam-agam na madidiskaril lamang ito dahil sa nalalapit na 2025 elections.

Ito ang ipinahayag ni Bordado sa panayam ng People’s Taliba na wala umano siyang nakikitang dahilan para hindi makapasa sa Mababang Kapulungan ang tatlong impeachment na nakahain sa Kongreso laban kay VP Sara bagama’t nalalapit na ang pagdaraos ng mid-term eleksiyon sa susunod na taon.

Gayunman, aminado si Bordado na maaaring mahirapan naman aniyang makalusot o makapasa sa Senado ang naturang impeachment complaint dahil kilalang kaalyado at loyalista ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang tatlong miyembro nito sa katauhan aniya nina Sens. Ronald “Bato” Dela Rosa, Christopher “Bong” Go at Robinhood C. Padilla.

Nauna rito, opisyal na inendorso ni Bordado ang pangatlong impeachment complaint laban sa Pangalawang Pangulo na inihain sa Kamara de Representantes ng mga Pari mula sa Simbahang Katoliko at Civil Society Groups kaugnay sa kontrobersiyal na P612 milyong Confidential Fund ni VP Sara Duterte na kuwestiyonable ang mga pinagkagastusan nito.

“This decision is not made highly but with a deep sense of responsibility to ensure accoutability at the highest levels of government. Such conduct undermines public trust, threatens the stabilitg of our democratic system and sets a dangerous precedent for behavior unbecoming of a public official,” ayon kay Bordado.