LTO

Mahigit 1,100 SCO inisyu ng LTO ngayong taon — Mendoza

18 Views

MAHIGIT 1,100 Show Cause Order (SCO) ang inisyu ng Land Transportation Office (LTO) laban sa mga lumabag na may-ari at pasaway na drayber ng mga sasakyan mula Enero ng taong ito, isang malaking hakbang patungo sa aktibong pagtugon ng ahensya sa pagpapatupad ng mga patakaran at regulasyon sa kalsada para sa kaligtasan ng lahat.

Isa sa mga pinakamahalagang pagbabago sa aktibong pagtugon ng LTO ay ang pagsubaybay sa social media ng mga paglabag sa mga patakaran at regulasyon sa kalsada, kabilang ang mga kaso ng road rage, na nagsisilbing batayan ng pagpapalabas ng SCO.

“Ang aktibong pagtutok sa social media, at pati na rin sa mga tradisyunal na media, sa aming pagsisikap na gampanan ang mandato ng LTO na tiyakin angk kaligtasan sa kalsada ay isa sa mga new normal sa ahensya,” ani LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II.

“Halos lahat ng Pilipino ay merong mga social media accounts at mga smartphones at sila ang nagiging mga mata at tenga ng LTO sa mga abusadong motorista. Ang kanilang mga pino-post sa social media ang nagsisilbing basis natin upang mag-imbestiga,” dagdag niya.

Ayon sa datos ng LTO, umabot na sa kabuuang 1,126 SCOs ang nailabas mula Enero ng taong ito.

Sa bilang na ito, 508 dito ay may kinalaman sa mga paglabag sa mga probisyon ng Republic Act 4136, o ang Land Transportation and Traffic Code, kabilang na ang improper person to operate a motor vehicle na may parusang suspensyon o revocation ng lisensya ng drayber.

Ang 448 na SCOs ay may kinalaman sa paggamit ng pekeng lisensya, 74 naman ay may kinalaman sa Anti-Distracted Driving Act, 69 ay nauugnay sa mga insidente sa kalsada na ini-report sa LTO Central Command Center, at 27 ay may kaugnayan sa dobleng lisensya.

“Ito ay patunay na ang inyong LTO ay aktibo na hindi lamang sa pagtugon sa mga reklamo ng mga gumagamit ng kalsada kundi pati na rin sa aming sariling inisyatiba sa pagpapalawak at pagpapabuti ng aming sistema sa pagtutok laban sa mga lumalabag na motorista,” ani Assec Mendoza.

Aniya, ang aktibong paninindigan ng LTO sa mga insidente sa kalsada ay bahagi ng adbokasiya ni DOTr Secretary Jaime J. Bautista upang tiyakin ang kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng kalsada at ang bagong proyekto ng LTO na Stop Road Crash.

Sinabi ni Assec Mendoza na halos lahat ng SCO na naisyu ay nagresulta sa pagpataw ng mga parusa laban sa mga sangkot, kabilang na ang suspensyon ng lisensya ng drayber at rehistro ng sasakyan, at maging ang revocation ng lisensya ng drayber.

“Para sa 2025, ang aming hiling sa Bagong Taon ay maglabas ng mas kaunting SCOs, o hindi na kami maglabas ng anumang SCO dahil ibig sabihin nito ay sumusunod na ang lahat ng motorista sa mga patakaran at regulasyon sa kalsada,” pahayag ni Assec Mendoza.

Binigyang-diin niya na ang mamamayang Pilipino at ang bansa sa kabuuan ang makikinabang kung ang bawat gumagamit ng kalsada ay magiging responsable at disiplinado.