MJ

2 suspek na tulak laglag sa buy-bust, P4M damo, kush nakumpiska

Edd Reyes Jan 3, 2025
17 Views

MAHIGIT P4 milyong pisong halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana at kush ang nasamsam sa dalawang tulak ng ilegal na droga sa buy-bust operation na ikinasa ng pulisya Biyernes ng madaling araw sa Caloocan City.

Naganap ang transaksiyon sa pagitan ng tauhan ni P/Lt. Restie Mables, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Caloocan police na nagpanggap na buyer at sa dalawang suspek dakong ala-1:35 ng madaling araw sa Block 2, Lot 20 Mentors Village Subdivision, Brgy. 175 sa naturang lungsod.

Nang tanggapin ng nina alyas “Lester”, 21, ng Sto Tomas Village 7 Ext. Deparo at alyas “Luigi” 27, ng Mentors Village Subdivision ang P13,500 na markadong salapi kapalit ng isang bloke ng high grade marijuana o kush, dinakma na sila ng mga tauhan ng SDEU at Police Sub-Station 10.

Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Paul Jady Doles, bukod sa ibinentang bloke ng high grade marijuana, nasamsam sa dalawa ang kabuuang 36,530 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana na may katumbas na halagang P4,383,600.00 at 50 gramo ng high grade marijuana (kush) na nagkakahalaga ng P75,000.00.

Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Section 5, Section 11 at Sec 26 Article II ng R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Acts of 2002 ang dalawa sa Caloocan City Prosecutor’s Office.