Baril

Taxi driver nakorner sa shabu, baril sa Muntinlupa

Edd Reyes Jan 3, 2025
23 Views

BARIL at shabu sa halip na pasahero ang nasa loob ng sasakyag ipinapasada ng isang taxi driver nang masita sa isang terminal ng pampasaherong sasakyan Huwebes ng gabi sa Muntinlupa City.

Sa ulat ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Manuel Abrugena, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng Intelligence Section ng Muntinlupa police dakong alas-9:40 ng gabi hinggil sa armadong suspek na naghihintay umano ng pasahero sa loob ng Old City Terminal sa Brgy. Alabang.

Kaagad nagtungo sa lugar ang pulisya at inabutan pa nila ang taxicab na tumutugma sa ibinigay na deskripsiyon ng impormante kaya’t maingat nilang nilapitan at sinita ang driver na nakilala sa alyas “Esteban”, 44, na hindi na nagtangkang tumakas nang mapalibutan na siya ng mga pulis.

Nakumpiska sa loob ng taxicab ng suspek ang may 100 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P680,000 at isang kalibre .38 revolver na may apat na bala sa chamber.

“This successful operation demonstrates our continued commitment to eliminating illegal drugs and removing unlicensed firearms from our communities. We will remain relentless in our efforts to ensure the safety of our citizens,”pahayag ni BGen. Abrugena.

Mga kasong paglabag sa Section 11 ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ang isinampa ng pulisya laban sa suspek sa piskalya ng Muntinlupa City.