Ibay PREPARASYON SA TRASLACION — Nagbibigay si Manila Police District (MPD) Director Police Brig.Gen. Arnold Thomas Ibay ng direktiba sa kanyang mga kapulisan kaugnay sa gagawing seguridad sa araw ng Pista ng Quiapo at Traslacion ng Itim na Nazareno sa Enero 9. Mga kuha ni JON-JON C. REYES

Seguridad sa Pista ng Quiapo, Traslacion ng Itim na Nazareno tiniyak ng MPD

Jon-jon Reyes Jan 3, 2025
70 Views

Ibay1HANDA na ang buong puwersa ng Manila Police District (MPD), sa pamumuno ni MPD Chief PBGen. Arnold Thomas Ibay, katulong ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa idaraos na Pista ng Black Nazarene sa Enero 9 sa Quiapo, Manila.

Nakalatag na rin ang seguridad ng mga kapulisan para sa milyon-milyong deboto na inaasahang dadalo sa prusisyon ng Poong Nazareno mula sa Quirino Grandstand patungong Simbahan ng Quiapo.

Sa press briefing na isinagawa sa Nazareth Catholic School sa Quiapo, inihayag na ilang kalsada sa paligid ng simbahan ay isasara mula Enero 8 hanggang sa maipasok ang andas ng Nazareno sa nasabing simbahan.

Magpapatupad din ng checkpoint at gun ban ang MPD kasabay ng pagdeklara ng citywide liquor ban ng lokal na pamahalaan ng Manila mula Enero 8 hanggang 10.

Ang mga kapulisan ay magbabantay sa lansangan sa araw ng Pista ng Quiapo.

Magpapatupad din sa Lungsod ng Maynila ng “no sail zone” ang Philippine Coast Guard (PCG) sa may Manila Bay na sumasakop sa paligid ng Quirino Grandstand.

Kaugnay naman sa gagamiting andas, siniguro ng pamunuan ng simbahan na nagkaroon na ng pagbabago sa andas at tinitiyak na hindi na mauulit ang pagpalya nito na naganap noong nakaraang Pista ng Quiapo.

Patungkol naman sa napapabalitang panibagong international health concern, inirerekomenda pa rin ng lokal na pamahalaan ng Manila ang pagsunod sa health protocols noong panahon ng COVID-19.

Tiniyak naman ng Department of Health (DOH) na walang dapat ipangamba ang publiko at ayon kay Dr. Irvin Miranda ng Health Emergency Management Bureau, agad naman silang maglalabas ng abiso sa publiko hinggil sa nabanggit na health concern.