Robina

Robina Gokongwei muling sinariwa pagsagip sa kanya

245 Views

Kahit apat na dekada na ang nakalipas, malaki pa rin ang pasasalamat ni Robina Gokongwei-Pe, anak ng business tycoon na si John Gokongwei, sa kanyang tagapagligtas na si presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson.

Nagkaroon ng pagkakataon na magkasama sa hapunan nitong Huwebes ng gabi sina Robina at Lacson, kasama ng dating tauhan ng huli na si intelligence officer Michael Ray Aquino. Dito, sinariwa ng negosyante ang naging pagsagip sa kanya ng presidential candidate.

“The victim and the rescuer reunited; their experiences – 41 years ago retold,” sabi ni Aquino sa kanyang Twitter post.

Sa pangalawang larawan na ibinahagi ni Aquino, makikitang hawak ni Lacson ang aklat na ‘Lessons From Dad, John Gokongwei, Jr.’ na ibinigay ni Robina. Sinamahan niya ito ng mga hashtag na #kidnapforransomsuccessstories #wesavedlives #trackrecord.

Nagkuwentuhan sina Lacson at Robina hinggil sa mga naging pangyayari makaraang madukot siya at kanyang pinsan na si Celine Chua ng isang kidnap-for-ransom (KFR) gang, habang patungo sila sa Diliman campus ng University of the Philippines, at kung paano sila matapang na sinagip ng grupo ni Lacson na noo’y lieutenant-colonel ng Philippine Constabulary Metropolitan Command.

Isiniwalat ni Lacson ang kuwento sa likod ng hindi malilimutang pagliligtas na ito nang pumanaw ang nakatatandang Gokongwei noong Nobyembre 2019.

“In 1981, I instructed him (John) not to sound intimidated while negotiating for Robina’s ransom. He snapped at her kidnappers: 10 million? Do you know how long it’ll take me to count that much money? You can have my daughter!” post ni Lacson sa Twitter.

Kinumpirma ito ni Robina sa eulogy niya para sa kanyang ama na napuno ng masasayang alaala. “After 5 days, and still getting no money, the sidekick of the leader of the gang, came to me with a worried and angry face. He said, ‘Anim pala kayong magkakapatid! Akala ko nag-iisa ka. Sabi ng tatay mo, pwede ka na ipamigay kasi mayroon pa siyang limang anak. Ano ba ‘yan!‘”

Nailigtas sina Robina at kanyang pinsan nang walang anumang ransom na ibinigay sa KFR group na dumukot sa kanila sa loob ng isang linggo. Nag-alok ng P400,000 na pabuya ang founder ng JG Summit ngunit mariin itong tinanggihan ni Lacson. Kaya naman nag-donate na lamang si John ng 10 patrol cars para sa pulisya, ayon pa kay Lacson.