Calendar
Pagsasa-pelikula sa kuwento ni Pepsi Paloma dapat batay sa ebidensiya -Valeriano
BUNSOD ng unti-unting umiigting na kuryusidad ng publiko patungkol sa tunay na mga pangyayari at misteryo sa kontrobersiyal na kaso ng dating starlet noong 80’s na si “Pepsi Paloma”.
Umaasa naman ang isang Metro Manila congressman na sana’y batay sa mga ebidensiya ang pagsasa-pelikula sa kuwento ng namayapang aktress.
Ang reaction ni Manila 2nd Dist. Rep. Rolando “CRV” M. Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, ay alinsunod sa lumalakas na kontrobersiya sa buhay ni Pepsi Paloma o Delia Dueñas Smith sa tunay na buhay matapos na muling buhayin ang kaso nito sa pamamagitan ng pelikula ni Director Darryl Yap na pinamagatang “The Rapists of Pepsi Paloma”.
Ipinaliwanag ng kongresista na sana ang pagkakalahad aniya sa kuwento ng namayapang sexy star noong 80’s ay base sa mga dokumento at nailahad sa korte at hindi lamang batay sa mga alingasngas o hearsay na walang matibay na pamantayan upang hindi naman malabag ang karapatan ng mga taong isinasangkot sa naturang kaso.
Binigyang diin ni Valeriano na kung ang magiging laman lamang ng kontrobersiyal na pelikula ni Darryl Yap ay batay lang sa mga chismis at mga dati ng kuwento, mangangahulugan lang aniya ito na “fake news” at malisyoso ang takbo ng nasabing pelikula sapagkat ang mga luma ng kuwento tungkol kay Pepsi Paloma ay hindi naman talaga nasuportahan ng mga matitibay na ebidensiya.
“Sana base sa mga ebidensiya ang kuwento ng pelikula na nailahad na sa Korte. Otherwise, fake news ang content at malicious ang pelikulang iyan. Kasi unfair naman duon sa mga taong isinasangkot sa kaso ni Pepsi Paloma. Lalabas na nilalabag ang kanilang karapatan,” paliwanag ni Valeriano.
Umaasa din ang mambabatas na hindi “politika” at isang character assasination ang tema ng pelikula na naglalayong sirain ang pagkatao ng mga taong kinakaladkad o idinadawit sa kaso. Sapagkat kung magkakataon ay may karapatan umano ang mga ito na magsampa ng kaso laban sa mga taong nagpasimuno ng naturang pelikula.