Calendar
Ipinakitang pangil ng pamahalaan vs China ikinagalak
BILANG vice-chairman ng House Committee on Transportation. ikinagalak ni Romblon Lone Dist. Rep. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona ang ipinakitang “pangil” ng pamahalaan ng Pilipinas laban sa China matapos nitong ipahayag na hindi ito mag-aatubiling tapatan ng aksiyon ang namataang “Chinese monster ship” sa Zambales sa West Philippine Sea (WPS).
Nauna nang ipinahayag ni Madrona, chairman din ng House Committee on Tourism, na hindi kakayanin ng gobyerno ng Pilipinas na tapatan ang ginagawang paninindak ng China laban sa mga sundalong Pilipino sa usapin ng teritoryo sa WPS.
Binigyang diin ni Madrona na marahil ay mayroong karapatan ang pamahalaan ng Pilipinas na magpakita ng pangil laban sa China bunsod ng naging pahayag nito na tatapatan nila ng aksiyon sakaling gumawa ng anomang provocative action ang China sa WPS gaya ng dati na nilang ginagawa.
Paliwanag ng kongresista na ang naging pahayag ng Philippine government ay hindi naman nangangahulugan ng pag-uudyok ng alitan sa pagitan ng Pilipinas at China. Nais lamang nitong ipakita na may karapatan din naman ang bansa sa WPS kaya hindi basta-basta magpapatinag ang Pilipino.
Sinabi naman ni National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya na hindi pinababayaan ng gobyerno ang WPS at patuloy na sinusundan at minamanmanan ang galaw ng Chinese Coast Guard 5901 vessel.