Vigor Mendoza-II

22 drayber huli ng LTO sa paggamit ng kalbong gulong

Jun I Legaspi Jan 11, 2025
13 Views

SA patnubay ni DOTR Secretary Jaime J. Bautista, nagsagawa ang Land Transportation Office (LTO) ng mga agresibong road safety rules operations na nagresulta sa pagkakahuli ng 85 motorista, kabilang na ang 22 drayber na gumamit ng mga sasakyang may kalbong gulong.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, isinagawa ang mga operasyon mula Enero 7 hanggang 8 sa iba’t ibang bahagi ng National Capital Region.

“Ang focus ng mga operasyon ay ang mga truck at pampasaherong sasakyan (PUVs) dahil sa mga insidente ng aksidente sa kalsada na kinasasangkutan ng mga ganitong uri ng sasakyan,” ani Asec Mendoza.

Sa ulat ni Director Eduardo De Guzman ng LTO-Law Enforcement Service, 22 motorista ang nahuli matapos matuklasan ng kanyang mga tauhan na ang kanilang mga sasakyan ay gumagamit ng mga kalbong gulong.

Karamihan sa mga nahuling lumabag ay mga drayber ng truck.

Labindalawang motorista rin ang nahuli dahil sa paggamit ng hindi rehistradong sasakyan, habang 51 iba pa ang nahuli dahil sa iba’t ibang paglabag tulad ng reckless driving, hindi pagsusuot ng helmet, at pagmamaneho nang walang lisensya.

“Ipagpapatuloy namin ang mga operasyong ito upang matiyak na sumusunod ang lahat ng motorista. Mahalagang makita ang presensya ng aming mga tauhan sa kalsada dahil ito’y nagdidisiplina sa mga pasaway na motorista,” ani Asec Mendoza.

“Paulit-ulit naming hinihikayat ang mga motorista na maging disiplinado at gawin ang tama. Nagpapasalamat kami sa nakararaming motorista na sumusunod sa batas. Ngunit para sa iilan na matitigas ang ulo, naririyan ang aming mga enforcer upang ipatupad ang mga alituntunin sa kaligtasan sa kalsada,” dagdag niya.