Lacuna

Mayor Honey aprubado gun ban sa Manila

Edd Reyes Jan 11, 2025
10 Views

SUPORTADO ni Manila Mayor Honey Lacuna ang gun ban ng Commission on Elections (Comelec) at Manila Police District (MPD) sa Maynila simula Enero 12 hanggang Hunyo 11.

Inatasan ng alkalde ang lahat ng barangay chairman, kagawad at mga tanod na magsilbing force multiplier ng kapulisan at tiyaking gumagana nang maayos ang mga CCTVs at dashcams ng mga sasakyang gamit sa pagreresponde.

“Bantay-sarado dapat lahat ng main city border roads para hindi makapasok sa Maynila lahat ng mga dayong kriminal at hindi rin makalabas ang sinumang mahuhuling lalabag sa gun ban,” sabi ng alkalde.

Dugtong pa ni Mayor Lacuna na dapat sumusunod sa panuntunan ng Philippine National Police (PNP) at Commission on Human Rights (CHR) ang bawat checkpoint sa Maynila.

Kasama sa panuntunan dapat may sapat na liwanag ang lugar, may name plate ang mga pulis at may respeto sa mga pinapahintong motorista.

Ang mga body cameras dapat nakasuot at gumagana upang mai-record ang mga inspeksyong may kinalaman sa gun ban.

“Walang exempted. Walang palakasan. Walang pakiusap. Ipatutupad ang batas sa gun ban at sa wastong search, wastong seizure at wastong warrantless arrests.

Payo ko naman sa mga motorista, gumagana rin dapat ang inyong dash cams at helmet cams, proteksyon ninyo yan kung mayroon mang mga iskalawag,” tagubilin pa ng alkalde.

Pinaalalahanan din ng alkalde ang mga Barangay at SK Officials na tiyaking nasa ayos at disiplinado ang mga grupo ng kabataan sa kanilang barangay.