Calendar
Darryl Yap: Wala pong personalan
Naglabas ng official statement ang direktor na si Darryl Yap kaugnay ng pagsasama sa kanya ni Vic Sotto ng 19 counts of cyber libel sa Muntinlupa Regional Trial Court.
Ang pagsasampa ni Vic ng kaso ay kaugnay ng teaser ng pelikulang idinirehe ni Darryl na “The Rapists of Pepsi Paloma” kung saan nga ay nabanggit ang kanyang pangalan.
Sa Instagram account ng ABS-CBN News ngayong hapon ay ipinost ang ipinadalang statement ni Darryl.
Ayon sa direktor, nakahanda siyang harapin ang reklamo.
“Agad naman po naming sasagutin ang reklamo kapag nakarating na po sa amin,” aniya.
Kasunod nito ay idinepensa ni Darryl ang sarili hinggil sa teaser na kanyang inilabas.
“Ang sa akin lamang, lahat po ng materyal na aking inilabas o ilalabas ay nakadokumento — hindi ko po gawa-gawa para makapanira,” depensa ng direktor.
“Wala pong personalan, naglalahad lamang po ako ng nangyari sa nakaraan na makikita sa mga nailathala noong 1980s. Naisapubliko naman po iyon.
“Maluwag po sa aking kalooban tanggapin ang isinampang kaso ni Vic Sotto — Malaya naman po ang kahit na sino magsampa ng kaso — gaya po ng naisampang rape case noon ni Pepsi Paloma laban sa kanya na siya pong natatanging laman ng teaser.
“Nasa caption din po ng post na inurong ang kaso. Hindi po tayo nagkulang,” ang mahabang paliwanag ni Darryl.
Aniya pa, “Wala po akong sinabing si Vic Sotto ang pinatutungkulan ng Title ng Pelikula — Sila lang po ang nagsabi nyan. Mahalagang mapanood muna nila ang buong Pelikula. Salamat.”