Calendar
‘Mulat na ang taumbayan’: Young Guns ng Kamara ikinatuwa suporta ng publiko sa Quad Comm
“MULAT na ang taumbayan sa katiwalian at pang-aabuso.”
Ito ang nagkakaisang pahayag ng “Young Guns” bloc ng Kamara de Representantes, kasabay ng kanilang malugod na pagtanggap sa resulta ng pinakabagong Pulse Asia survey na nagpapakita ng malaking suporta ng nakararaming Pilipino sa imbestigasyon ng quad committee sa iligal na droga, extrajudicial killings (EJKs) at Philippine offshore gaming operation (POGO).
“Ang resulta ng survey ay malinaw na nagpapakita na hindi na bulag ang taumbayan sa mga katiwalian. Hinihingi nila ang katotohanan at hustisya, at kami sa Kongreso ay hindi titigil hanggang makamit ito,” ayon sa pinagsamang pahayag ng Young Guns.
Ayon kina Reps. Rodge Gutierrez (1-Rider Party-list), Zia Alonto Adiong (Lanao del Sur), Pammy Zamora (Taguig), Jay Khonghun (Zambales), Paolo Ortega V (La Union), Jil Bongalon (Ako Bicol Party-list) at Lordan Suan (Cagayan de Oro City), ang resulta ng survey ay isang malinaw na pagsuporta sa mga hakbang ng Kamara na panatilihin ang transparency at magkaroon ng pananagutan sa gobyerno.
Batay sa survey na isinagawa mula Nobyembre 26 hanggang Disyembre 3, 2024, 61 porsiyento ng mga Pilipino ang sumusuporta sa imbestigasyon ng mega-panel na binubuo ng House committees on dangerous drugs, public order and safety, human rights at public accounts.
Ang Young Guns, grupo ng mga masisigasig na kabataang mambabatas, ang nanguna sa 13 pampublikong pagdinig ng quad comm na naglantad ng nakakaalarmang kaugnayan ng EJKs, mga sindikato ng droga at iligal na operasyon ng POGO, pati na rin ang mga alegasyon ng money laundering, pag-iwas sa buwis at human trafficking.
Inihayag ng quad comm na ang war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte ay nagsilbi umanong pantakip sa isang “grand criminal enterprise,” na kinasasangkutan ng mga mataas na opisyal ng gobyerno na kumikita mula sa kalakalan ng droga.
Sinabi ng Young Guns na ang napakalaking suporta ng publiko ay nagpapalakas sa kanilang determinasyon na tuklasin ang katotohanan at panagutin ang mga sangkot.
“Ang laban na ito ay laban para sa bayan. Hindi kami titigil hanggang mailantad ang buong katotohanan at mapanagot ang mga nasa likod ng katiwalian, iligal na droga, at mga pag-abusong ito. Ang suporta ng taumbayan ang aming inspirasyon sa bawat hakbang na aming ginagawa,” ayon pa sa grupo.
Tiniyak ng mga mambabatas sa publiko na ang Kamara, sa pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, ay mananatiling matatag sa kanilang pangako na tuklasin ang katotohanan, panagutin ang mga sangkot, at magpatupad ng mga reporma upang maiwasan ang ganitong uri ng pang-aabuso sa hinaharap.
“Tinitiyak namin sa publiko na ang Kongreso, sa pangunguna ng aming lider na si Speaker Romualdez, ay buo ang loob at determinasyon na tapusin ang laban na ito,” giit pa ng Young Guns.
Dagdag pa ng mga kongresista: “Higit pa sa mga numero sa survey, ang nakikita natin dito ay ang pagkakaisa ng mga Pilipino sa hangaring makamit ang isang malinis, maayos, at makatarungang lipunan. Ito ang mandato na aming pinanghahawakan.”