Gonzales Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales

Resulta ng SWS survey na pumapabor sa impeach VP Sara kumpirmasyon: Gusto ng publiko na magkaroon ng pananagutan mga opisyal ng gobyerno

18 Views
Suarez
Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez

DALAWANG mataas na lider ng Kamara de Representantes ang naniniwala na ang survey ng Social Weather Station (SWS) kamakailan, na nagpapakita na mas maraming Pilipino ang pabor sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, ay nagpapatingkad sa panawagan para sa pananagutan at transparency sa pamamahala.

Sinabi nina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales at Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez na ang resulta ng survey ay pagpapahayag din ng publiko na dapat ipaliwanag ni Duterte kung paano nito ginastos ang milyon-milyong confidential funds.

“Ipinapakita ng survey na ang karamihan sa ating mga kababayan ay naghahangad ng pananagutan mula sa ating mga lider. Dapat nang ipaliwanag at linawin ni VP Duterte kung saan napunta at paano ginamit ang daang milyong confidential funds ng kanyang tanggapan,” sabi ni Gonzales.

Ang survey ay ginawa mula Disyembre 12 hanggang 18, 2024, at mayroong 2,160 respondents. Batay sa resulta nito, 41 porsiyento ng mga Pilipino ang sumusuporta sa impeachment laban sa Bise Presidente, 35 porsiyento ang tutol at 19 porsiyento ang wala pang desisyon.

Binigyan-diin ni Suarez ang pagkadismaya ng publiko sa maling pamamahala.

“Dapat nang ipaliwanag ni VP Sara ang kontrobersyal na isyu tungkol kay Mary Grace Piattos at ang kahina-hinalang paggastos ng P612 milyon sa confidential funds. Hindi na maaaring balewalain ang mga ito,” sabi ni Suarez.

Ipinakikita rin umano ng survey ang pagnanais ng publiko na magkaroon ng wastong pamamahala sa bansa.

“This sends a clear message: Filipinos demand leaders who are accountable and transparent in their actions,” pahayag ng mambabatas.

Binigyan-diin naman ni Gonzalez na ipinakikita rin ng survey ang kahalagahan ng malakas na demokratikong institusyon.

“The survey results confirm that our democratic institutions must remain responsive to the people’s will. This is not just about numbers anymore; it is about restoring faith in governance,” ani Gonzales.

“It clearly shows that Filipinos are against a leadership that does not explain controversies and are seeking leaders who adhere to ethical standards in governance,” saad pa nito.

Kinukuwestyon ang ginawang paggastos ni Duterte sa kabuuang P612 milyong confidential fund nito matapos lumabas sa imbestigasyon na napunta ito sa mga gawa-gawang pangalan gaya ni “Mary Grace Piattos.”

Lumabas ang survey sa gitna ng pagbaba ng trust rating ni Duterte na lalo umanong nagpapatingkad sa pagkadismaya ng publiko sa kanyang pamamahala.

Ayon kay Suarez, ang inihaing impeachment complaint laban kay Duterte ay repleksyon ng pagnanais ng publiko na magkaroon ng pananagutan ang mga opisyal ng gobyerno.

“Dapat natin igalang ang damdamin ng publiko na nais na ituloy ang mga reklamong impeachment laban sa Pangalawang Pangulo,” sabi ni Suarez.

Iginiit rin ni Suarez ang pangangailangan ng pagkakaroon ng patas at masusing deliberasyon.

“This is an opportunity for the House of Representatives to show that no one is above the law. The people are watching, and they expect us to act with integrity,” sabi pa ng kongresista.

Ipinunto ng dalawang mambabatas ang kahalagahan na mapagtuunan ng pansin ang mga alegasyon laban kay Duterte upang mapanatili ang tiwala ng publiko sa goyerno.

“The people deserve answers. Let us not allow controversies like these to undermine our democracy,” wika pa ni Suarez.