Calendar
CAAP personnel na positibo sa droga 5 na lang
IPINAGMALAKI ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang pagbaba ng bilang ng mga empleyado, mula 16 sa lima, na nagpositibo sa drug test noong 2024.
Umabot sa kabuuang 2,474 na kawani mula sa lahat ng 44 na paliparang pinamamahalaan ng CAAP ang sumailalim sa random drug testing noong nakaraang taon.
Sa naturang bilang, lima lamang na indibidwal—mga contractual security personnel—ang nagpositibo sa iligal na droga.
Higit itong mababa kumpara sa 16 na positibong noong 2023 bukod pa sa walang regular na empleyado ng CAAP ang nasangkot sa mga insidente.
Binigyang-diin ni Dr. Rolly Bayaban, Chief Flight Surgeon ng Office of the Flight Surgeon and Aviation Medicine (OFSAM), ang kahalagahan ng nasabing inisyatiba.
“We remain vigilant because the safety of passengers, crew, and the general public heavily depends on the physical and mental fitness of aviation personnel,” sabi ni Bayaban.
Bagamat random ang pagsasagawa ng drug testing, inuna ng OFSAM ang mga pangunahing commercial airport dahil sa mas mataas na bilang ng mga tauhan dito.
Kabilang sa mga paliparan ang Batanes Airport, Puerto Princesa Airport, Busuanga Airport, Virac Airport, Laoag Airport, Bohol-Panglao Airport, Laguindingan Airport at Davao International Airport.
Ipinaalala ni CAAP Director General Captain Manuel Antonio Tamayo ang dedikasyon ng ahensya sa kaligtasan.
Ang drug-testing initiative naaayon sa Philippine Civil Aviation Regulation on Psychoactive Testing and Reporting, pati na rin sa mga alituntunin ng Civil Service Commission (CSC) na nag-uutos ng drug testing para sa mga bagong hires at kasalukuyang kawani ng gobyerno.
Tumatalima rin ito sa Republic Act (RA) 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na nag-uutos ng agarang pagtanggal sa serbisyo para sa mga kawani na nagpositibo sa iligal na droga.
Ang mga hakbang ng CAAP patunay ng kanilang dedikasyon sa pagpapanatili ng ligtas at maayos na kapaligiran sa aviation para sa kapakanan ng mga tauhan at ng publiko na kanilang pinaglilingkuran.