NCRPO

NCRPO tutulong sa pagpapatupad ng kaayusan sa nat’l peace rally

20 Views

AABOT sa 4,500 pulis ang ikakalat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Maynila ngayong Lunes para tumulong sa pagpapatupad ng kaayusan sa National Rally for Peace na pangungunahan ng Iglesi Ni Cristo.

Ayon kay NCRPO director Brig. Gen. Anthony A. Aberin, ang naturang pwersa ng kapulisan ay tutulong sa 500 tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), at Bureau of Fire Protection (BFP) na mangangalaga din ng kaayusan sa lugar.

Nakipag-ugnayan na rin aniya sila sa ibang ahensya ng gobyerno, gayundin sa liderato ng INC para sa iba pang preparasyon.

Kabilang sa mga nanguna sa preparasyon ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nagpatupad ng traffic rerouting sa mga lugar kung saan inaasahan ang malaking bilang ng mga sasakyan na dadalo sa rally.

Nauna nang sinuspindi ng Palasyo ng Malacanang ang trabao at klase sa Maynila at Pasay City para bigyang daan ang Rally for Peace ng INC.

Sa panig naman ng MMDA, aabot sa 1,300 tauhan nito ang tutulong sa pagsasaayos ng daloy ng trapiko patungo at palabas sa lugar kung saan gaganapin ang rally.

Bilang bahagi parin ng paghahanda, siyam na kalsada sa Maynila ang isinara.

Ayon sa Manila Public Information Office, sarado ang siyam na kalye para sa mga sasakyan na manggagaling sa southbound lane ng Roxas Boulevard, A. Mabini, at Ma. Orosa kaya’t pinapayuhan ang mga motorista na lumiko pa-kanan sa U.N. Avenue patungo sa kanilang destinasyon.

Kabilang sa mga isasarang daan ang mga sumusunod:

1. Katigbak Drive and South Drive

2. Independence Road

3. North and South bound of Roxas Blvd. from Katigbak Drive to U.N. Ave.

4. North and South bound of Bonifacio Drive from Katigbak Drive to Anda Circle

5. P. Burgos Ave. from Victoria St. to Roxas Blvd.

6. Ma. Orosa St. from P. Burgos Ave. to U.N. Ave

7. Finance Rd. from P. Burgos Ave. to Taft Ave.

8. Gen. Luna Roundtable

9. Kalaw Ave. from Taft Ave. to Roxas Blvd.

Ang mga truck na bumibiyahe sa northbound lane ng Osmeña Highway patungong Mel Lopez Blvd ay maaring lumiko pakanan sa President Quirino Avenue paakyat sa Mabini bridge.

Ang mga manggagaling sa Ayala Boulevard patungong Finance Road at P Burgos Avenue ay maaring kumaliwa sa Taft avenue patungo sa kanilang destinasyon.

Ang mga manggagaling sa Jones Bridge, Mac Arthur Bridge at Quezon Bridge patungong P. Burgos Avenue patungong Roxas Boulevard ay maaring dumaan sa Lagusnilad at Taft Avenue.

Ang mga sasakyan naman galing sa Mel Lopez Boulevard patungong Bonifacio Drives ay maaring dumaan sa Anda Circle paikot ng Soriano Avenue habang ang mga truck at heavy vehicles ay maaring kumaliwa sa Capulong street hanggang Yuseco street at Lacson Avenue.

At para makabawas narion sa inaasahang masikip na daloy ng trapiko, ilang kalsada papasok sa Quirino Grandstand kung saan gaganapin ang National Rally for Peace na pangungunahan ng Iglesia ni Cristo ang inilaan bilang parking lot ng Metro Manila Development Authority.

Ayon kay MMDA traffic operation officer Manny Miro, dalawang linya ng kalsada sa loob ng Roxas boulevard mula U.N. Avenue patungong P. Ocampo street ang bubuksan para gawing paradahan ng mga sasakyan.

Bukod ito sa dalawang linya din sa loob ng Mel Lopez Boulevard mula Anda Circle patungong NLEX Connector City limit ang bukas para gawing parking lot. Nina EDD REYES & ZAIDA DELOS REYES