Calendar
Ang naliligaw ng landas, ang nawawalang tupa ay hinahanap ng Panginoon
Ang mga kriminal at iba pang masasamang tao gaya ng isang nawawalang tupa ay hinahanap ng Ating Panginoon (Lk. 15:1-10)
KUNG napakahalaga para sa Atin ang isang bagay na nawawala maging tao man ito o bagay.
Tayo ay masigasig at puspusan sa paghahanap at hindi tayo hihinto, hanggang sa ito’y tuluyan na Nating matagpuan.
Ganito ang mensahe ng Mabuting Balita (Luke 15:1-10) tungkol sa Talinghaga ng Nawawalang Tupa na inilahad ni Jesus matapos Siyang dagsain ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan upang makinig sa Kaniyang mga turo.
Ang mga makasalanan ang naglalarawan sa mga nawawalang tupa na hinahanap ng Ating Panginoon.
Sapagkat ang isang bagay na mahalaga para sa Atin kahit ang tingin dito ng iba ay walang kuwenta matiyaga natin itong hinahanap at hindi Natin lulubayan ang paghahanap hangga’t hindi Natin ito natatagpuan.
Ganiyan ang Ating Panginoong Jesus. Hindi Niya tinitigilan ang paghahanap sa mga makasalanan tulad ng mga tax collector sa Ebanghelyo.
Dahil kung ang tingin sa Kanila ng publiko at mga Hudio ay mga salot, makasalanan, kriminal at wala ng pag-asa sa buhay.
Sa mata ng Diyos, may pag-asa pa Silang magbago, magsisi sa Kanilang mga kasalanan at tuluyang magbalik loob sa Panginoon.
Tulad ng mga Hudio noong panahon ng Ating Panginoong Jesus sa kasalukuyan ay ganoon din ang tingin Natin sa mga makasalanan o mga nawawalang tupa batay sa pagsasalarawan ng pagbasa.
Sila ay wala ng pag-asang magbago, mga salot at matinding problema ng lipunan. Kaya hindi na nakakapagtaka na maraming kaso ng summary execution o salvaging at iba pang uri ng krimen na kinasasangkutan ng mga taong mayroong criminal record. Para sa iba. Ito ay nararapat lamang para sa mga taong gumagawa o naghahasik ng krimen sa isang sibilisadong lipunan.
Lalo na ang mga taong lulong sa ipinagbabawal na gamot. Subalit iba ang pananaw at pagtingin ni Jesus sa mga taong ang tingin Natin ay makasalanan at salot sa lipunan.
Sila ang mga nawawalang tupa na hinahanap ng Ating Panginoon. Dahil ang taong minamahal mo gaano man kabigat ang Kaniyang kasalanan, dahil sa siya ay naliligaw ng landas, gaya ng mga kriminal at iba pang masasamang tao.
Sila ay pinagtitiyagaang hanapin ni Jesus at hindi Siya hihinto hanggang sa Sila ay tuluyan ng matagpuan dahil sila ay mahal ni Kristo.
Kapag mahal mo ang isang tao hindi mo tinitingnan at binibilang ang Kaniyang mga pagkakamali. Kung mahal mo ang isang tao, hindi mo isusumbat sa Kaniya ang mga kasalanan Niya at kapag minamahal mo ang isang tao kahit siya pa ang pinaka-makasalanan, siya ay tatanggapin mo ng buong buo.
Ganiyan ang Ating Panginoong Jesus. Hindi mahalaga sa Kaniya ang Ating mga kasalanan kundi ang Ating pagbabalik loob at pagbabagong buhay. Ang pagtingin Natin sa mga makasalanan o mga tupang ligaw na kalimitan ay kinokondina Natin, itinuturing na patapon, mga walang kuwentang tao at kinikitilan ng buhay.
Para sa Ating Panginoong Jesus, ang nga taong ito ay Kaniyang hinahanap para muling bigyan ng pag-asa at matulungang makapag-bagong buhay gaya ng nawawalang tupa.
AMEN