Lacuna

Bagong condo malaking pagbabago sa Manila housing project–Mayor Honey

Edd Reyes Jan 14, 2025
23 Views

Lacuna1SINABI ni Manila Mayor Honey Lacuna na malaking pagbabago sa programang pabahay sa Manila ang inauguration ng bagong 20-palapag na Pedro Gil Residences condo na pinangunahan nila ni Vice Mayor Yul Servo Nieto at Congressman Irwin Tieng noong Martes.

Ayon sa alkalde, inatasan niya ang Sangguniang Panlungsod ng Maynila at ang Manila Urban Settlement Office (MUSO) na baguhin ang sistema ng pabahay sa lungsod at gawing “rent-to-own” ang condo units na may renta na mula sa P2,000 hanggang P3,000 kada buwan.

“Kung dati, habambuhay kayong nagbabayad ng renta, simula ngayon, ang inyo pong buwan-buwang hinuhulugan, hindi na po pawang renta lang habambuhay, ito po magiging pabahay na rent-to-own, magiging inyo na po ang inyong hinuhulugang pabahay,” pahayag ng alkalde.

Ang Pedro Gil Residences na dinesenyo ng City Planning and Development Office may 299 na residential units, 143 parking slots, limang commercial spaces, limang elevator units, swimming pool, fitness room, function room, roof deck at indoor at outdoor na tamang lugar para sa iba’t-ibang aktibidad.

Sa ibaba nito may health center na may lawak na 615 metro-kuwadrado at sewage treatment plant upang matiyak na maging kombinyente ang mga maninirahan.

Bukod sa Pedro Gil Residences, pinasinayahan din nila ang Pedro Gil Health Center na nasa unang palapag ng condominium.

Magkakaloob ang health center sa mga Manilenyo ng mga libreng serbisyo tulad ng laboratoryo, ECG, ultrasound at susunod na ang x-ray machine na ibabahagi ni Cong. Tieng.

Idinugtong pa ng alkalde na iwinawasto lamang niya ang hindi makatarungang housing program na inilunsad ng dating alkalde at tiniyak niya na magiging patas ang kanyang administrasyon sa pagsasagawa ng sistema ng pa-raffle sa mga kwalipikadong benepisyaryo na hindi gagamit ang sinuman sa kanila ng mga koneksyon sa mga opisyal ng City Hall upang makakuha ng slot tulad ng nakaraang administrasyon.

“Tapat at totoo tayo sa mga Manileño. Hindi budol. Hindi fake,” pagdidiin pa ni Lacuna.