ID

Sen. Koko aprubado PWDs’ unified ID

21 Views

SUPORTADO ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang inisyatiba ng National Council on Disability Affairs (NCDA) na magpatupad ng unified identification system para sa mga persons with disabilities (PWDs).

Layunin ng inisyatiba na matigil ang maling paggamit ng PWD IDs at matiyak na ang mga benepisyo mapupunta lamang sa mga kwalipikado.

Ang panukala naglalayong pigilan ang pandaraya sa pag-isyu ng PWD IDs habang pinangangalagaan ang mga probisyon ng Republic Act 10754 o ang Act Expanding the Benefits and Privileges of Persons with Disability.

Ang batas na ito nagbibigay ng iba’t-ibang benepisyo sa mga PWD, kabilang ang 20% na diskwento sa mga produkto at serbisyo, exemption mula sa value-added tax (VAT) at espesyal na pribilehiyo sa edukasyon, trabaho at kalusugan.

Ang mga benepisyong ito dinisenyo upang maisulong ang pagiging inklusibo at mabawasan ang mga hadlang na nararanasan ng mga taong may kapansanan.

Binigyang-diin ni Pimentel ang kahalagahan ng tamang paggamit ng mga rekurso ng pamahalaan para maisakatuparan ang layuning ito.

Tinukoy rin niya ang agarang pangangailangan na maipatupad ang unified system at ang kahalagahan nito sa pagprotekta sa integridad ng mga benepisyo para sa PWD.

Ang Republic Act 10754 may mahahalagang probisyon na naglalayong tumulong sa mga PWD, tulad ng mga insentibo sa buwis para sa mga pribadong kompanya na kumukuha ng empleyado mula sa sektor ng PWD, suporta para sa mga rehabilitation program at mga alituntunin para mapabuti ang accessibility sa mga pampublikong lugar.

Naniniwala si Pimentel na sa pamamagitan ng unified PWD ID system, masisiguro na ang mga benepisyong ito mapupunta sa mga nararapat at maiiwasan ang anumang pang-aabuso.