bro marianito

Biniyan tayo ng Diyos na mamili kung nais nating maligtas o mapahamak

434 Views

Nasa sa ating pagpapasya kung nais natin maligtas o mapahamak ang ating kaluluwa (Marcos 16:15-20)

“Ang sinomang sumampalataya at mabautismuhan ay maliligtas. Ngunit ang ayaw sumampalataya ay paparusahan”. (Marcos 16:16)

ANG ating relihiyon ay isang instrumento lamang upang ang ating pananampalataya sa Panginoong Diyos ay lumago tulad ng isang puno o halaman na mayabong at hitik sa bunga.

Pinapanday ng relihiyon ang ating pananalig sa Diyos para hindi tayo basta-basta magapi ng kasalanan at temptasyon. Sapagkat ang ating matibay na pananalig ang maghahatid sa atin sa buhay na walang hanggan o sa Kaharian ng Diyos sa Langit.

Sapagkat kung wala ang relihiyon sa ating buhay, para tayong mga bangkang walang katig o gabay sa magkabilang gilid. Gegewang-gewang ang ating pananampalataya. Hanggang sa tayo’y tuluyang ilugmok ng kasalanan na siyang magbubulid sa ating kaluluwa.

Bagama’t totoo nga na hindi ang relihiyon ang magliligtas sa atin kundi ang ating pananampalataya, gayunpaman, ang relihiyon ang nagtuturo sa atin tungkol sa mga aral ng ating Panginoong JesuKristo na mababasa natin sa Magandang Balita o Bibliya.

Magkakaiba man ang ating relihiyon, bilang mananampalataya ng Panginoong JesuKristo, tungkulin pa rin natin na ipahayag at ipangaral ang Mabuting Balita sa lahat ng tao. Partikular na sa mga taong nanlulupaypay at mahina ang kanilang pananampalataya sa Diyos.

Ganito ang mensahe ng Mabuting Balita (Marcos 16:15-20) nang sabihin ni Jesus sa kaniyang mga Disipulo na habang sila’y humahayo sa buong mundo ipangaral nila sa lahat ng tao ang Mabuting Balita.
Bagama’t may kalakip na babala si Jesus sa kaniyang naging pahayag, matapos niyang wikain na ang sinomang sumampalataya at mabautismuhan ay maliligtas. Ngunit ang ayaw sumampalataya ay paparusahan. (Marcos 16:16)

Maaaring narinig na natin ang pamosong kasabihan na ang masasamang damo daw ay matagal mamatay na pumapatungkol sa mga taong gumagawa ng kabuktutan o kasamaan.

Ang masasamang damo ba’y tumutukoy sa mga taong ayaw sumampalataya ayon sa ipinahayag ng ating Panginoong JesuKristo?

Marahil ay hindi naman ganoon karahas at kapangahas si Jesus para sa mga taong ayaw sumapalataya sa Panginoon. Dahil ang nais lamang niyang ipakahulugan na kung hindi mananampalataya ang sinoman ay maaaring ikapahamak ito ng kaniyang kaluluwa sa impiyerno.

Batid natin siguro kung ano ang ating kahihinatnan bunsod ng kawalan natin ng pananalig sa Diyos. At mas lalong alam na alam din natin siguro kung ano naman ang ibubunga ng pagkakaroon ng matibay na pananampalataya sa Panginoon.

Musmos pa lamang tayo ay itinuturo na sa atin na dalawang lugar lamang ang maaaring puntahan ng isang tao matapos ang kaniyang buhay dito sa ibabaw ng lupa. Subalit nasa sa atin ang “option” o desisyon kung paano natin iguguhit ang ating kapalaran.

Binigyan tayo ng kalayaan ng Panginoong Diyos na mamili kung anong klase ng buhay ang nais nating tahakin dito sa ibabaw ng lupa. Mamumuhay ba tayo sa tamang landas (namumuhay sa kabanalan) o babagtasin natin ang daan patungo sa kasamaan (holdaper, kidnaper, rapist, drug adik, magnanakaw, mamamatay tao etc.) na ikakapamahak ng ating kaluluwa?

Ibinigay lamang ni Jesus ang kaniyang mensahe sa Ebanghelyo (Marcos 16:16) subalit nasa sa atin parin ang pagpapasya kung ano ang nais nating gawin sa ating buhay. Ang sumampalataya o manatiling matigas ang ating mga puso dahil sa kawalan ng pananalig.

Mayroon tayong pag-iisip kaya batid natin kung ano ang makakabuti at makakasama para sa atin. Hindi tayo dinidiktahan at pinipilit ng Panginoong JesuKristo na manampalataya tayo sa kaniya.
Ngunit hinahayaan lamang niya tayong mamili kung nais ba natin maligtas o mapahamak ang ating kaluluwa sa nagbabagang asupre ng impiyerno. Ayon nga sa kasabihan, “Bunot mo hila mo”.

AMEN