Senate

SB 1979 pinagdebatehan sa Senado

12 Views

MAINITAN na debate at pagpapalitan ng katuwiran sa Senado ang kontrobersiyal na isyu sa Prevention of Adolescent Pregnancy Act (Senate Bill 1979) matapos magpahayag ng magkakasalungat na opinyon ang ilang senador tungkol sa nasabing panukalang batas.

Matatandaan na inilahad ang Pilipinas bilang pinakamataas ng teen pregnancy sa buong Southeast Asia base sa datus na inilahad sa international community.

Itinutulak ni Deputy Minority Leader Senator Risa Hontiveros ang panukalang batas bilang isang mahalagang tugon sa isang pambansang krisis.

Nagpahayag naman ng paniniwala sina Senate Majority Leader Joel Villanueva at Senate President Francis Chiz Escudero na maaaring maapektuhan ng panukala ang mga tradisyonal na halaga ng pamilya at kultura ng ating kinagisnan.

Sa ilalim ng SB 1979, binigyang-diin ni Hontiveros ang pangangailangan na harapin ang mataas na antas ng teenage pregnancy sa bansa. Sinabi niyang idineklara na ng National Economic and Development Authority (NEDA) na ang adolescent pregnancy ay isang “national and social emergency.”

Ayon kay Hontiveros, ang SB 1979 ay hindi lamang magtuturo ng tamang kaalaman sa reproductive health kundi magbibigay rin ng mahalagang social protection para sa mga teenage mothers. “May national emergency na nga, ang inatupag pa nila ay pananakot sa mga Pilipino. Enough is enough. Let us demand real education for our kids,” aniya sa isang press conference.

Ayon naman sa mga tagasuporta mula sa Council for the Welfare of Children (CWC) at POPCOM, ang Comprehensive Sexuality Education (CSE) na nakapaloob sa panukala ay angkop sa edad, sensitibo sa kultura, at batay sa pag aaral ng scientia.

Binigyang-diin ni Undersecretary Angelo Tapales ang nakababahalang datos: mahigit 3,300 na kaso ng pagbubuntis sa mga batang may edad 10-14 ang naitala noong 2023, karamihan dito ay resulta ng pang-aabuso. “The cost of inaction is incalculable. We will lose the chance to save this generation from abuse, violence, and neglect,” babala ni Tapales.

Binanggit din ng mga tagapagtaguyod ang mga pag-aaral na nagpapakita na maraming magulang ang nahihirapang talakayin ang reproductive health sa kanilang mga anak. Ayon kay Dr. Jeepy Perez, dating opisyal ng POPCOM, “Only 12.5% of Filipino youth have ever discussed sexual and reproductive health at home. This bill aims to bridge that gap through education.”

Samantala, sa Kapihan sa Senado, nagpahayag si Senador Joel Villanueva ng matibay na pagtutol sa CSE, na aniya’y maaaring sumira sa awtoridad ng mga magulang. “Hindi po puwedeng kukunin mo yung karapatan ko bilang magulang,” aniya, binanggit ang Article 14, Section 2 ng Konstitusyon ng Pilipinas na nagpoprotekta sa karapatan ng mga magulang na palakihin ang kanilang mga anak.

Itinuro rin ni Villanueva ang umano’y pag-refer ng panukala sa mga international guidelines na nagtataguyod ng mga konsepto tulad ng early childhood masturbation at sexual rights para sa mga bata. “Sino ang hindi mag-aalala dito?” tanong niya.

Sa kanyang bahagi, inulit ni Senate President Francis Chiz Escudero ang mga alalahanin na ito, na tinatanong kung naaayon ba ang panukala sa mga halagang Pilipino. Binanggit niya na dapat unahin ng sistema ng edukasyon ang pagpapabuti ng kaalaman ng mga estudyante sa matematika, agham, at pagbasa bago talakayin ang mga sensitibong paksa. “Should we really prioritize this now, given the state of our education system?” tanong ni Escudero.

Batay sa mga ulat, tinutulan din ng ilang kritiko ang pagtitiwala ng panukala sa mga ahensya ng gobyerno para ipatupad at bantayan ang CSE.

Kapwa nanawagan sina Escudero at Villanueva para sa transparency at accountability, sa pangambang maaaring magdulot ng hindi angkop na materyales at aralin ang mga iminungkahing hakbang. “Dapat klaro kung sino ang magbibigay ng edukasyon na ito at kung paano ito gagawin. Otherwise, this could do more harm than good,” giit ni Villanueva.

Pinabulaanan naman ni Hontiveros ang mga batikos na ito, na sinasabing karamihan sa mga ito ay batay sa maling impormasyon. “Walang anumang probisyon tungkol sa pagtuturo o paghikayat ng masturbation sa mga batang edad 0 to 4 years old,” paglilinaw niya, idinagdag na ang panukala ay nakabatay sa Responsible Parenthood and Reproductive Health Law, hindi sa mga international standards.

Mariing itinanggi ni Hontiveros ang mga alegasyon na ang panukalang batas ay pumipigil sa mga magulang na gabayan ang kanilang mga anak. “Absolutely none of those concepts exist in our bill. Let us focus on facts, not fabrications,” aniya, habang tinutulan ang aniya’y pananakot na ginagawa laban sa panukala.

Samantala, ipinaliwanag ni Undersecretary Tapales na ang Department of Education (DepEd) at isang inter-agency council ang mangangasiwa sa pagbuo ng CSE curricula, na titiyakin nitong angkop sa konteksto ng Pilipino. “This legislation has built-in safeguards to ensure it is rights-based, age-appropriate, and culturally sensitive,” paliwanag niya.

Habang itinuturing ng mga tagasuporta ang SB 1979 bilang isang mahalagang hakbang sa proteksyon ng kabataan, nanawagan sina Senador Villanueva at Escudero ng mga alternatibong pamamaraan.

Iminungkahi ni Villanueva ang mas tiyak na interbensyon na nakatuon sa pagharap sa teenage pregnancy nang hindi kinakailangang isama ang CSE sa lahat ng antas ng edukasyon.

Samantala, naniniwala si Escudero na dapat unahin ang mga reporma sa batayang edukasyon bago talakayin ang mga isyung kaugnay ng adolescent sexuality.

Gayunpaman, iginiit ni Hontiveros na ang panukala ay tumutugon sa isang agarang krisis na hindi maaaring ipagpaliban. “Teenage pregnancy is not just a statistic; it is a reality affecting thousands of Filipino children. This bill provides both prevention and support measures to give them a fighting chance at a better future,” aniya.