Atty. Francis ople

Uniteam sa Taguig: Ang Di-Mapigilang Pag-ragasa ng Kilusan ng Pagkakaisa

Francis Ople Apr 25, 2022
755 Views

KATULAD ng lahat ng mga pagtitipong politikal ng tambalang Marcos-Duterte, nagpatuloy na dumagundong ang sigaw ng pagkakaisa sa campaign rally ng Uniteam na ginanap sa Arca South Compound sa Lungsod ng Taguig nitong Linggo, ika-24 ng Abril 2022.

Ito ay naganap sa harap ng laksa-laksang mga taga-suporta ng nangungunang kandidato pagka-Presidente Ferdinand “BongBong” Marcos Jr. at ng namamayagpag ding katambal nito na si Davao City Mayor Sara Duterte.

Buong tiyaga at sipag na inabangan ng tao ang pagdating ng tambalan at ng buong Uniteam na tila hindi alintana ang katirikan ng araw. Bago pa man dumating ang mga kandidato, sadyang kitang-kita at damang-dama na ang espesyal na pananabik at kasiyahan ng mga Uniteam supporters.

Masasabing espesyal ang pananabik at kasiyahan na ito sapagkat nangingibabaw ang diwa ng pagkakaisa at pagkakabuklod-buklod sa pagtitipong ito. Iba’t ibang indibidwal, grupo at sektor ng lipunan ang boluntaryong nakilahok at nakibahagi sa malakihang rally na ito. Ilang mga artista at entertainer tulad nina Ai-Ai Delas Alas, Bayani Agbayani, Randy Santiago at marami pang iba ang nag-ambag ng kanilang mga angking talento upang lalo pang pag-igtingin ang maganda nang simoy ng kapaligiran sa lugar.

Tinunghayan din ang makabagbag-damdaming pag-awit ng singer na si Ima Castro ng kantang “Bayang Kang Magiliw” na talaga namang pumukaw sa diwang makabansa ng mga taga-Taguig.

Lalo namang lumakas ang hiyawan nang magkasunod na nagtalumpati sina Duterte at Marcos. Sa kaniyang talumpati, patuloy na binigyang diin ni Marcos ang kaniyang panawagan ng pagkakaisa upang sama-samang bumangon muli ang sambayanang Pilipino mula sa pagkakalugmok dulot ng pandemya. Itinampok din niya ang isang napakahalagang bahagi ng kaniyang plataporma-de-gobyerno kung saan itinakda niyang ipagpatuloy at pag-ibayuhin pa ang mga nasimulang proyekto ng administrasyong Duterte.

Higit na sumigabo ang palakpakan at sigawan nang matapos ang talumpati ni Marcos kasabay ang pagtugtog ng makabagong bersyon ng awiting “Bagong Pagsilang”—ang opisyal na awit ng Bagong Lipunan ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos na muling nagbalik at sumikat sa kasalukuyang panahon.

Sadyang napakahirap ilarawan ang masiglang pag-indak at pagkanta ng mga tao sa awiting ito na pinangunahan ng bandang “Plethora” na kung isasalin sa wikang Filipino ay nangangahulugang “marami.” Tila pati pangalan ng bandang ito ay naglalarawan sa mga campaign rallies nina Marcos at Duterte—tunay ngang napakamarami ang nakikiisa sa adhikain ni Marcos at ng buong Uniteam.

Isang bagong grupo rin ng mga kabataan, ang Next Gen for BBM, ang nakibahagi sa kilusan ng pagkakaisa ni Marcos. Hindi rin nawala sa pagtitipong ito ang mga iba’t ibang alumni at grupo mula sa mga pangunahing unibersdidad ng ating bansa tulad ng Ateneans for BBM at Bedans for BBM. Kabilang din sa mga nakilahok at sumuporta sa Uniteam ang ilang miyembro ng mga fraternity sa mga Pamantasan tulad ng Upsilon Sigma Phi—ang fraternity ng dating Pangulong Ferdinand E. Marcos at ng kasalukuyang Majority Floor Leader ng Mababang Kapulungan, Congressman Ferdinand Martin G. Romualdez, Sigma Rho Fraternity ng UP at Fraternal Order of Utopia ng Ateneo.

Ngunit ang pinakamahalagang tignan ay ang kabuuan ng pagtitipong ito na makikita naman sa mga drone shots at iba pang mga larawan. Makikita ang nagkakaisang karagatan ng tao na isinisigaw ang tunay, tapat at nag-aalimpuyong suporta sa BBM-Sara Uniteam

Ang mga ito ay nangangahulugan lamang na tunay at mabisa ang panawagan ng pagkakaisa ng Uniteam. Sapagkat sa mga pagtitipong katulad nito, sadyang nagagapi, natatabunan at nabubura ng pagbubuklod-buklod at pagkakaisa ang ating mga pagkakaiba. Dito rin natin matatanaw na malapit nang maisakatuparan ang matagal na nating minimithi: Ang panunumbalik ng ating nag-iisang Diwang Makabansa.