Secretary Jonvic Remulla

Buy-bust, checkpoints nakasamsam ng 86 na boga

Jun I Legaspi Jan 16, 2025
13 Views

KINUMPIRMA ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na umabot sa 86 na baril ang nakumpiska ng Philippine National Police (PNP) dahil sa 6,327 checkpoints sa pagsisimula ng gun ban noong Enero 12.

Ayon kay Remulla, ang mga checkpoints ng pulisya bahagi ng mga hakbang para sa mga usapin ng kapayapaan at kaligtasan kaugnay ng midterm elections sa Mayo 12.

Sa 86 na nakumpiskang baril, 33 ang galing sa iba’t-ibang checkpoint, 10 sa mga buy-busts, 39 mula sa police response at 3 sa pamamagitan ng search warrants.

Nauna nang sinabi ng kalihim na may 34 na election hotspots na natukoy at 27 dito mula sa Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM) matapos ang mainit na pinagtalunang autonomous election sa rehiyon.

“Areas of concern under BARMM, very contested. First time nila magkakaroon ng autonomous election, so, that’s very contested,” pahayag ni Remulla.

Kabilang sa mga natukoy na election hotspots ang 2 lugar sa Eastern Visayas at 4 sa ilang bahagi ng Luzon.

Tiniyak ni Remulla sa publiko na magdadagdag siya ng mga unit ng pulisya sa mga hotspots na ito upang matiyak ang seguridad at integridad ng 2025 midterm election.