Calendar
E-gov bill napapanahon
NAPAPANAHON na ang Senate Bill No. 2781 o ang panukalang “E-Governance Act” na naglalayong gawing digital ang lahat ng proseso at transaksyon sa gobyerno gamit ang iisang network at legal framework.
Ito ang iginiit ni Sen. Alan Peter Cayetano na naniniwalang dapat lamang makasabay ang gobyerno sa makabagong digital na pamumuhay.
Binigyang diin ng senador na siyang chair ng Committee on Science and Technology Chairperson ang kahalagahan ng pagiging “interoperable” ng lahat ng ahensya ng gobyerno para sa mabilis na paghahatid ng serbisyo publiko at mahusay na record-keeping.
Inaatasan ng Senate Bill No. 2781 o ang panukalang “E-Governance Act” ang lahat ng ahensya na maging bahagi ng iisang digital system. Layunin nitong gawing mas transparent, accessible, at user-friendly ang mga serbisyo ng gobyerno.
Bahagi nito ang pag-uugnay sa mga serbisyo sa pamamagitan ng eGovPH app. Bawat ahensya ay magtatalaga ng Chief Information Officer na mangangasiwa sa digitalization.
Layunin ng panukalang batas na gawing digital ang lahat ng transaksyon sa gobyerno at gawing “interoperable” ang iba’t ibang website at mobile application ng mga ahensya.
Bubuo ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ng isang “regulated, secure, and robust” na network na tatawing “Integrated Government Network” o IGN, kung saan itutugon ang lahat ng digital platform ng gobyerno para maging konektado ang mga ito sa isa’t isa.
Sa pamamagitan nito ay magiging madali ang pag-access at palitan ng mga datos at impormasyon sa pagitan ng lahat ng opisina ng gobyerno.
Sa ilalim din ng panukalang batas, magbabalangkas ang DICT ng isang framework na magiging gabay ng mga ahensya patungkol sa mga basic technical at informational standard na kailangan nilang sundin para mangyari ang e-governance.
“Under existing law, the DICT cannot really dictate or require government departments to integrate,” ani Cayetano.
Kasabay ng pagkakaroon ng isang digital ecosystem, magkakaroon din ng isang Records and Knowledge Management Information System para sa maayos na pamamahala ng mga dokumento, record, at serbisyo ng gobyerno.
Bahagi ng panukalang e-governance ay ang pagpapahusay sa eGovPH app. Ibig sabihin, lahat ng ahensyang wala pa sa nasabing app ay aatasang sumali para mapadali ang mga government transaction para sa mga Pilipino.
Isa aniya sa mga lubos na makikinabang ay ang overseas Filipino workers (OFWs) na kadalasan ay kailangan pang magpalipat-lipat ng mobile app tuwing nakikipagtransaksyon sa gobyerno.
“The Department of Migrant Workers want their own app. Pero kung OFW ka at nasa airport ka na, nasa Immigration ka na, kung may sariling app ang Immigration, ang Migrant Workers, ang SSS, et cetera, mas mahihirapan pa ‘yong OFW. Magkakalituhan pa,” paliwanag niya.
Para matiyak na mapapadali ang mga serbisyo imbes na maging abala, makikipagtulungan ang DICT sa mga ahensya at sa Anti-Red Tape Authority (ARTA) sa pagtukoy sa mga potensyal na problema at pagbalangkas ng mga pamantayan./// ps jun m sarmiento