Alfred Vargas

Kongresista nangangamba sa muling pagbulusok ng COVID-19 Virus dahil sa laksa-laksang tao na nagtungo sa mga tourist destinations

Mar Rodriguez Apr 25, 2022
275 Views

Pagbulusok ng COVID-19 sa tourist spots ipinangamba

NABABAHALA ang isang kongresista sa muling pagbulusok kasunod ng pamumuksa na naman ng nakakamatay na COVID-19 virus dahil sa mga nangyaring paglabag sa itinakdang “health protocol”. Matapos dumagsa ang napakaraming tao sa iba’t-ibang “tourist destination” noong nakaraang Mahal na Araw.

Bunsod nito, nananawagan ngayon si Quezon City 5th Dist. Rep. Alfred Vargas sa ilang national government agencies maging sa mga Local Government Units (LGU’s) at pribadong sektor na agad kumilos at gumawa ng kaukulang hakbang para masagkaan ang muling pagbabalik ng COVID-19 Pandemic sa bansa.

Partikular na tinukoy ni Vargas ang iba’t-ibang “tourist destination” sa bansa na napa-ulat na dinagsa ng napakaraming tao noong nagdaang bakasyon dahil sa Mahal na Araw.

Kung saan, ipinaliwanag ng Metro Manila solon na naging kampante ang mga Pilipino. Matapos luwagan na ng pamahalaan ang mga dating ipinatutuad na “restrictions” tulad ng “social distancing”.

Nabatid pa kay Vargas na iniulat din ng Department of Tourism (DoT) na maraming turista ang dumagsa sa Boracay Island noong Mahal na Araw na lumabis at lumampas sa limit na itinakda ng pamahalaan para sa mga magtutungo sa Boracay.

Dahil dito, nababahala aniya ang Department of Health (DoH) na maaaring muling tumaas sa susunod na buwan (Mayo) ang COVID-19 cases. Bunsod ng walang habas na paglabag sa itinakdang “health protocols” sa mga lugar na dinadagsa ng mga tao tulad ng Boracay Island.

“The tourism industry plays a key role in reviving our economy. Its follows that our tourist destinations should be protected from being hotspots for any resurgence in COVID-19 cases,” ayon kay Vargas.

Aminado din ang kongresista na hindi masisisi ang publiko kung dumagsa man sila sa iba’t-ibang tourist destination. Sapagkat masyado aniya silang nasabik na gumala o mamasyal matapos ang halos dalawang taong lockdown at ipinatupad na “restrictions”.

Subalit binigyang diin ni Vargas na responsibilidad naman ng pamahalaan na ipatupad ang “health protocols” at iba pang “guidelines” na itinakda ng DoT, DoH at Inter-Agency Task Force (IATF) para sa mga pampublikong lugar gaya ng Boracay.