Calendar
Preventive suspension vs MPUJ na nakabangga ng tricycle ikinagalak ng House Commmittee on Metro Manila Development
IKINAGALAK ng Chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Rep. Rolando “CRV” M. Valeriano ang inilabas na preventive suspension ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa mga operator ng Modern Utility Public Jeepney (MPUJ) na Carmexss TSC na nasangkot sa banggan.
Binigyang diin ni Valeriano na nararapat lamang na patawan ng parusa ang mga ganitong uri ng kapabayaan ng mga drayber ng pampublikong sasakyan na walang ingat sa kanilang pagmamaneho sa lansangan.
Ipinaliwanag ni Valeriano na may mga pagkakataon aniya na hindi isinasa-alang alang ng mga drayber ang kapakanan ng publiko partikular na ang kanilang mga pasahero kung kaya’t talamak o prone ang mga aksidente sa lansangan bunsod ng kapabayaan ng mga drayber.
Ayon sa kongresista, bagama’t tama ang ginawa ng LTFRB, hindi umano sapat ang 30-day suspension kumpara sa mga buhay na nasayang dahil sa kawalang pakundangan sa pagmamaneho ng driver ng MPUJ na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang pasahero at pagkasugat naman ng ilan pang katao.
Batay sa ulat ng pulisya, nag-overtake umano ang MPUJ kung kaya’t nabangga nito ang paparating na tricycle na agad namang ikinasawi ng isa sa mga pasahero nito kabilang ang tricycle driver dahil sa lakas ng pagkakabangga.
Sabi naman ng LTFRB na sa oras na maipatupad ang preventive suspension ay hindi na papayagang bumiyahe ang unit ng MPUJ sa loob ng tatlongpung araw habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon.
Dahil dito, pinaalalahanan naman ni Valeriano ang lahat operators at drayber ng mga pampublikong sasakyan na mahigpit na sumunod sa mga batas at regulasyon sa trapiko upang matiyak ang kaligtasan ng kanilang pasahero.