PBBM: Di ito tamang panahon para patalsikin si VP Sara

Chona Yu Jan 17, 2025
13 Views

NANINIWALA si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa opinyon at paninindigan ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile hinggil sa posibleng maging precedent kapag hindi hinayaang gumana ang nakasaad sa Saligang Batas kaugnay ng mga isinusulong na impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Pero agad na iginiit ni Pangulong Marcos na hindi ito ang tamang panahon para tutukan ang pagpapatalsik kay Duterte.

Sa ambush interview sa Burauen, Leyte, sinabi ni Pangulong Marcos na best legal thinkers sa bansa si Enrile.

Paliwanag ni Pangulong Marcos, totoo naman ang obserbasyon ni Enrile na mandato ng Kamara at Senado na dinggin ang mga reklamong impeachment laban kay Duterte.

Gayunpaman, sinabi ng Pangulo na para sa kaniya, hindi ito ang tamang panahon.

Ipinunto ni Pangulong Marcos na papasok na ang bansa sa panahon ng kampanya para sa nakatakdang 2025 midterm elections sa Mayo.

Mangangahulugan aniya na walang panahon na ang mga kongresista at senador na tututok para tugunan ang mga reklamong impeachment dahil sigurado aniyang mangangampanya na ang mga ito.

Tiyak aniyang hindi na makabubuo pa ng quorum para dinggin ang mga reklamo kaya malabo aniyang maaksyunan ito.

“Well, I don’t think that now is the time to go through that. So, ipaubaya na muna natin sa ating… Tutal as a practical matter, papasok na tayo sa campaign period. Wala ng congressman, wala ng senador dahil nangangampanya na sila. Hindi tayo makakapagbuo ng quorum. And so, as a practical matter, the timing is very poor,” pahayag ni Pangulong Marcos.