Calendar
Boga, bala, droga nakuha sa rider na umiwas sa checkpoint
NABUKING at natiklo dahil sa kargadang 20 gramo ng shabu, baril at bala ang rider na umiwas sa checkpoint na wala ring lisensya at sumemplang kaya nahuli sa Bambang St., Brgy. 265, Tondo, Manila noong Miyerkules.
Timbog sa mga operatiba ng Manila Police District (MPD)- Moriones Police Station 2 si alyas Moises, 37.
Nahaharap siya sa kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Act), BP 881 (Omnibus Election Code), RA 9165 (Possession of illegal drugs) at RA 4136 (pagmamaneho ng walang lisensya).
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Alvin Christopher Baybayan, hepe ng MPD Morines Police station 2, bandang 10:50 ng gabi na-flagdown ang suspek pagdaan sa kanilang checkpoint.
Subalit imbes na huminto, pinaharurot pa ng suspek ang minamanehong blue Rusi patungo sa Masangkay St., Tondo.
Hinabol ng mga awtoridad ang suspek hangang sa mawalan ng balanse at mahulog sa kanyang motorsiko.
Doon na nadiskubre ang nakasukbit na .45 caliber pistol, 2 live ammunition at dalawang sachets na naglalaman ng puting crystalline substance na pinaghihinalaang shabu na may timbang na 20 gramo at nagkakahalaga ng P136,000.