Ermita1 Base sa kuha ng video, binugbog ng suspek ang biktima matapos tanggihan ang pakikipag-ayos at sinabing sa presinto na lamang dalhin ang usapin, makaraang banggain siya nito sa may Roxas Boulevard service road sa Ermita, Manila.

Doktor binubog ng sales manager dahil sa away trapiko

Jon-jon Reyes Jan 17, 2025
18 Views

ARESTADO ang isang 40-anyos na lalaki matapos bugbugin nito ang isang doktor makaraang mabangga ang sinasakyan nito sa likurang bahagi ng kotse ng doktor, sa kahabaan ng Roxas Boulevard Service Road corner Nuestro Senora De Guia, Ermita, Manila, umaga ng Huwebes.

Nahaharap ngayon sa kasong physical injury ang suspek na nakilalang si alyas “Alvin” na sales manager na taga San Juan City.

Samantala, kasalukuyang iniinda pa ng biktimang 28-anyos na doktor ang mga tinamong suntok mula sa suspek.
Ayon kay Police Lt. Col. Nelson Cortez, hepe ng Ermita Police Station 5, bandang 6:50 ng umaga nang mangyari ang insidente ng pambubugbog.
Base sa salyasay ng biktima, habang binabaybay nito ang nasabing lugar papuntang trabaho, biglang nabangga ang likurang bahagi ng sasakyan nito ng suspek.

Dahil doon, bumaba ang biktima at nilapitan ang suspek tungkol sa aksidente.
Sinubukan pa ng suspek na makipag-ayos sa biktima at umano’y bayaran na lamang ng halagang P1,000 ang danyos, ngunit iginiit ng huli na dalhin ang usapin sa pulisya.

Dito na nagalit ang suspek saka hinampas ng maraming beses sa ulo at likod ang biktima.

Nakatawag atensiyon naman sa mga bystanders ang insidente at pinapayapa ang kaguluhan at mabuti na lamang at may mga dumaang pulis sa nasabing lugar. Dito na humingi ng tulong ang biktima sa pulisya.

Agad namang rumesponde sina PSSg. Marphil F. Canlas at PSSg. Edgardo C. Corral ng MDTEU at nahuli ang suspek.

Habang inaaresto ang suspek, napansin ng mga arresting officer na ang suspek ay amoy alak.

Dinala ang biktima at suspek sa magkaibang ospital para sa kanilang physical examination. Pagkatapos ay dinala sila sa MDTEU Vehicle Traffic Investigation Section para sa imbestigasyon.