Valeriano

Huwag maging judgemental kaugnay sa paninipa ng sikyo sa sampaguita girl -Valeriano

Mar Rodriguez Jan 19, 2025
16 Views

HUWAG tayong judgemental”.

Para kay Manila 2nd Dist. Rolando “CRV” M. Valeriano hindi dapat maging padalos-dalos ang publiko sa panghuhusga kaugnay sa kontribersiyal na viral video ng isang security guard ng sikat na shopping mall sa Mandaluyong City at isang batang nagtitinda ng sampaguita kung saan kitang-kita sa nasabing video na sinipa at sinira ng guwardiya ang paninda ng “sampaguita girl”.

Ayon kay Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, mas makabubuting marinig din ang panig ng security guard kung bakit nito nagawa ang pananakit sa bata sa halip na siya mabilis na husgahan ng mapanuring publiko kung saan napag-alaman na sinibak na umano sa puwesto ang naturang guwardiya matapos ang nangyaring insidente.

Paliwanag ng kongresista na kinakailangang dumaan sa “due process” ang nasabing pangyayari upang malaman ang buong katotohanan ng insidente sa halip na ang pagbatayan lamang ay kung ano ang nakikita sa viral video.

“We are unfair for judging the guard outright na ngayon ay tinanggal na sa trabaho at maaari pang mawalan ng lisensiya. Marahil mas mabuti kung dumaan ang kaganapang ito sa due process bago natin tuluyang husgahan ang guwardiya,” sabi nito.