Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr.

Sen. Bato nagtatago sa likod ng media sa halip na humarap sa Quad Comm — Chairman Abante

20 Views

BINATIKOS ni House quad committee co-chairman Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. noong Martes si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, dahil sa pag-iwas nito sa mga tanong ng komite at sa halip ay paggamit ng media upang ilihis ang atensyon mula sa mahahalagang isyung ipinupukol sa kanya.

“Ang ating Senador Bato Dela Rosa, noong tinanong siya, ayaw naman niyang humarap sa amin. Pinapaharap namin para maging malinaw ang lahat ng bagay. Anong ginagawa niya? Nagpupunta sa media. Kung anu-ano ang pinagsasabi niya,” ayon kay Abante, ang chairman ng House committee on human rights, sa kanyang opening remarks sa ika-14 na pagdinig ng quad comm.

Muling iginiit ni Abante na walang kinalaman sa politika ang layunin ng komite, kundi nakatuon sa paghahanap ng katotohanan at pananagutan.

“Kung meron man ditong nagsasabi na we’re gathered here because of politics, gusto naming humarap siya dito para sabihin sa amin directly,” ayon pa sa mambabatas, kasabay ng paghikayat sa mga tumutuligsa na direktang harapin ang isyu.

Muling binigyang-diin ng mambabatas ang pangako ng komite na tiyakin na makakamit ang katarungan nang naaayon sa tamang proseso at hindi gawing “killing fields” ang buong bansa.

“Ayaw po nating mahulog ang bansa sa droga pero ayaw din natin ang buong Pilipinas maging killing fields, na pumatay tayo na hindi sinusunod ang Saligang Batas,” giit pa nito.

Ipinunto pa ni Abante na sa kabila ng marahas na paraan ng nakaraang administrasyong Duterte ay nanatili pa rin ang problema sa iligal na droga.

“Ang question dito ay ito: nawala ba? Hindi nawala ang drugs, ganoon pa rin. Ang inaakala po namin dito ay baka naman tinanggal natin ang kumpetisyon para ang maiwan na lamang sa drug trade ay ‘yung mga nasa kapangyarihan,” saad pa nito.

Inakusahan din ng kongresista ang ilang law enforcement officials na bigong ipatupad ang batas at sa halip ay naging kasangkalan ng pang-aabuso.

“Those entrusted with the duty to protect have enabled injustice. Those who swore to uphold the law have hidden behind silence,” saad pa nito.

Iginiit pa ni Abante na nananatili ang paninindigan ng quad comm sa paghahahanp sa katotohanan at pagtutuwid ng mga kawalang-katarungan.

“We wield this power not for personal gain, but for our people. And we will not stop until the evildoers who have plagued our country are unmasked,” giit pa ng mambabatas.

Sa kabila ng mga kinakaharap na hamon ng komite, nanatiling positibo ang pananaw ni Abante.

“Yet, kahit na po sa ganyang mga bagay, I am not without hope,” aniya.

Hinimok din ni Abante ang sinomang indibidwal na may alam tungkol sa mga nakaraang pang-aabuso na huwag matakot na magpahayag ng katotohanan.

“To those who come before this Committee, to those who still hesitate, to those who are reluctant and are afraid to speak the truth — do that which is good,” paghimok pa ng mambabatas.

“Power must never be abused in order to shield wrongdoers. It must never be wielded to sow fear among the innocent,” ayon pa kay Abante.