Calendar
Pagtutok sa mga pangunahing problema ng mga OFWs unang aatupagin ni Magsino sa pagpasok ng 20th Congress
TINIYAK ni OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino ang pagbibigay ng solusyon sa mga pangunahing problema na kasalukuyang kinakaharap ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) kabilang na dito ang nararanasang pagmamaltrato at pang-aabuso ng mga Pilipinong manggagawa sa ibayong dagat.
Sa panayam ng People’s Taliba. Sinabi ni Magsino na matapos lamang ang pagdaraos ng mid-term elections ay unang aatupagin nito ang mga pangunahing problema na nagpapahirap sa kalagayan ng mga OFWs kabilang na dito ang mga kaso ng panghahalay at pang-aabuso.
Ipinaliwanag ni Magsino na hindi dapat magpatumpik-tumpik sa kasalukuyang kalagayan ng mga OFWs sapagkat nakakabahala ang mga kaso patungkol sa mga Pilipinang hinahalay ng kanilang amo, napapatay at dumaranas ng hindi makataong pagtrato.
Dahil dito, naniniwala ang kongresista na ang “reintegration” ang isa sa nakikita niyang solusyon upang mai-alis sa peligro ang mga OFWs na nakikipag-sapalaran sa ibayong dagat sa pamamagitan ng pagkakaroon ng kabuhayan o livelihood pagbalik nila ng Pilipinas.
Binigyang diin ni Magsino na isa sa kaniyang prioridad ay ang reintegration program ng mga OFWs sa lokal na ekonomiya sa pamamagitan ng pagbibigay ng financial literacy at livelihood programs na madudulot ng malaking tulong para sa mga OFWs pagbalik nila ng bansa.
Ayon pa sa OFW Party List Lady solon, tututukan din nito ang edukasyon at kabuhayan ng mga OFWs kabilang na ang paglalaan ng scholarship para sa kanilang mga anak kasama na rin dito ang tulong pangkabuhayan para naman sa kanilang pamilya.
“Layunin kong mapabuti ang buhay ng ating mga kababayang OFWs habang pinangangalagaan ang kanilang kapakanan. Ang isa sa aking prioridad ay ang reintegration ng mga OFWs sa lokal na ekonomiya sa pamamagitan ng pagbibigay ng financial literacy,” wika ni Magsino.
Samantala, sinabi din ni Magsino na sakaling siya ay mabibigyan ng pagkakataon na mabigyan ng Committee Chairmanship sa pagpasok ng 20th Congress. Ang nais aniya nitong pamunuang Komite ay ang House Committee on Overseas Filipino Workers Affairs upang direktang matutukan ang mga isyu ng mga OFWs.