2 umpeachment complaint sa Kamara vs VP Sara di umuusad dahil kulang sa oras

Mar Rodriguez Jan 23, 2025
20 Views

AMINADO si House Assistant Majority Leader at La Union 1st Dist. Rep. Francisco Paolo P. Ortega V na ang kakulangan ng oras at panahon ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi umuusad ang tatlong impeachment complaint na inihain sa Kamara de Representantes laban kay Vice-President Inday Sara Duterte.

Sinabi ng House Assistant Majority Leader na kaya mistulang “usad-pagong” ang tatlong impeachment complaint mula ng ihain ang mga ito sa tanggapan ni House Secretary General Reginald Velasco noong nakaraang taon (2024) ay dahil sa mga pangunahing dahilan.

Ikinatuwiran ni Ortega na kabilang sa mga nasabing dahilan ay ang papalapit na mid-term elections sa darating na Mayo kung saan ang lahat ng mambabatas sa Kamara de Representantes ay magiging abala sa pangangampanya sa kani-kanilang distrito at balwarte.

Bukod dito, ipinahayag din ni Ortega na gustuhin man nilang mga kongresista na tutukan at apurahin ang tatlong impeachment complaint laban sa Pangalawang Pangulo ay napaka-imposible parin nilang magawa ito sapagkat ilang linggo na lamang ang nalalabi bago mag-Sine Die adjournment ang session ng Kongreso.

Nilinaw naman ng kongresista na hindi hinaharang ng liderato ng Mababang Kapulungan ang tatlong impeachment complaint matapos ipaliwanag ni Ortega na ang mga inihaing reklamo laban kay VP Sara Duterte ay isang “Constitutional process”.

Magugunitang pormal na inihain sa Kamara de Representantes ang tatlong impeachment complaint laban kay VP Sara patungkol sa mga kaso at kontrobersiyang kinasasangkutan nito na nagmula sa hindi nito maipaliwanag na paggamit nito sa P125 milyong confidential fund ng Office of the Vice-President.

Isinumite sa tanggapan ng House Secretary General ang tatlong impeachment complaint na ininderso naman ng mga kongresista na sina Akbayan Party List Rep. Percival “Percy” Cendana at Camarines Sur Rep. Gabriel Bodado. Habang si dating Senator Leila de Lima naman ang tumatayong supporter at spokesperson ng Civil Society group na unang naghain ng impeachment sa Kamara de Representantes.

To God be the Glory